Kasalukuyan nang tumatanggap ng kalahok ang pamahalaang lokal ng Torrijos para sa mga eskwelahan na nagnanais sumali sa 2017 Municipal Drum and Lyre Competition.
Bukas ang patimpalak na ito para sa mga paaralang elementarya at sekondarya na nasa distrito lamang ng Torrijos na kailangang binubuo ng 45 hanggang 90 miyembro.
Paglalabanan ng mga mag-aaral ang piyesang “Ang Labanan sa Pulang Lupa”. Maaari lamang magtagal ang pagtatanghal sa loob nang 12-15 minuto para sa elementarya at 15-20 minuto para naman sa hayskul. Isang puntos naman ang ibabawas sa bawat isang minuto na sosobra sa nakalaang oras.
Ang pagkakasunod-sunod ng mga magtatanghal ay malalaman sa pamamagitan ng bunutan na gagawin sa mismong araw ng kompetisyon sa Setyembre 12, bago isagawa ang parada na magmumula sa Torrijos Covered Court hanggang Torrijos Central School.
Maaaring magpasa ng entry form at waiver kasama ang pahintulot ng punong-guro ng paaralan hanggang sa ika-10 ng Setyembre.
Binubuo ang pamantayan ng pagdedesisyon ng mga sumusunod: tone quality- 20%, execution/formation/interpretation- 30%, ensemble- 15%, musicianship- 25% at costume- 10% na may kabuohang 100%.
Read also: History quiz bee, isasabay sa pagdiriwang ng Labanan sa Pulang Lupa
Ang tatanghaling kampeon sa elementarya ay tatanggap ng Php15,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala; Php13,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala naman ang tatanggapin ng magkakamit ng ikalawang pwesto at; Php10,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala ang iuuwi ng tatanghalin sa ikatatlong pwesto. Makatatanggap din naman ng Php5,000 at sertipiko ng pagkilala bilang consolation prize ang ilang sasali sa patimpalak.
Para naman sa mga magwawagi sa secondary level, Php18,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala ang pwede nilang maiuwi; P15,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala para sa ikalawang pwesto at; Php12,000, tropeyo at sertipiko ng pagkilala sa magkakamit ng ikatatlong pwesto. Tatanggap din naman ng Php7,00 at sertipiko ng pagkilala bilang consolation prize ang ilang sasali sa patimpalak.
Magkakaroon din ng pagkakataon na tumugtog muli ang mga tatanghaling kampeon sa Pulang Lupa Day Celebration sa barangay Bolo, Torrijos.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan ang mga nagnanais sumali kina Primo Pamintuan, Sangguniang Bayan Chairperson, Committee on Tourism sa kaniyang numero na 0948-033-0283 o 0916-436-6391 at Gee-Ann Magdalita, Municipal Tourism Officer, sa kanyang numero na 0917-826-4326 o (042) 753-0038.
Maaaring makita dito ang kompletong mechanics at guidelines ng patimpalak.