Sa Facebook page ng DENR-PENRO Marinduque, nananawagan ang tanggapan sa lahat ng mga nakakakilala sa nasabing mga indibidwal para pagpaliwanagin. (Larawan mula sa DENR-PENRO Marinduque)
BOAC, Marinduque – Inaalam ngayon ng Provincial Environment and Natural Resources (PENRO)-Marinduque ang pagkakakilanlan ng mga indibwal na unang nag-viral sa social media dahil sa pagpo-post ng mga larawan sa Facebook habang dala-dala ang mga pitcher o wild plant sa gitna ng kanilang pag-akyat sa Makulilis Peak sa Mt. Malindig.
Sa Facebook page ng DENR-PENRO Marinduque, nananawagan ang tanggapan sa mga nakakakilala sa nasabing mga indibidwal para pagpaliwanagin.
“Sa lahat po ng nakakakilala sa mga tao na nakapost dito sa picture na ito, pwede po kaya naming makuha ang mga full name at address nila?”, bahagi ng post ng DENR-PENRO Marinduque.
Aniya, maaaring ipagbigay alam ang buong pangalan at address ng mga ito sa pamamagitan ng pagtawag o pagtext sa cellphone number na 0906-008-4095 at telephone no’s. na (042) 332-1490, (042) 332-0727 at (042) 332-0927.
Matatandaan na nagviral ang kanilang larawan matapos na mapansin ng mga netizen na tila may pitcher o wild plant na hawak ang ilan sa mga ito.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 10,000+ reactions, 2,400 na comments at 7,800 shares ang naturang post.
Ayon sa DENR, ang mga wild plant ay itinuturing na endangered at kabilang sa mga ipinagbabawal na species. Ibig sabihin, ang mga ito ay hindi dapat kinukuha o ginagalaw mula sa orihinal nitong pinagtutubuan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha o pagkolekta ng mga itinuturing na endangered species ng walang kaukulang permiso mula sa kanilang kagawaran.
Pinaaalalahanan naman ang mga turista o hiker na palaging i-practice ang ‘leave no trace principle’ kapag bibisita lalo na sa mga idineklarang protected areas kabilang na ang Mt. Malindig na matatagpuan sa Marinduque. –Marinduquenews.com