SANTA CRUZ, Marinduque — Nagsagawa ng pagsasanay para sa produksyon ng kabute ang mga kabataan sa bayan ng Santa Cruz kamakailan.
Apat na araw ang naging seminar ng may 25 kabataang lumahok sa gawain na pinangunahan ng Municipal Youth Development Council (MYDC) sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry, Provincial Agriculture Office at Provincial Youth Development Council.
Ayon kay Junmuel Regio, municipal youth development officer, kaagapay nila ang pamahalaang bayan sa adbokasiya na palakasin at bigyang suporta ang mga kabataan patungkol sa programang pangkabuhayan.
BASAHIN: TESDA namahagi ng scholarship vouchers sa Marinduque
Aniya, layunin ng programa na matutunan ng mga kalahok ang tamang pagtatanim at pagproseso ng kabute gayundin ang paglalagay ng label at wastong packaging nito.
“Simula po sa paghahanda ng fruiting bag, pag-steam at paglagay sa pasilidad na may tamang temperatura at paggawa ng iba’t ibang produkto para maging kabuhayan ay itinuro po natin sa kanila,” pahayag ni Regio.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nakagawa ang mga kabataan ng jam, chicharon, tapa, bagoong at atsara na pawang gawa sa kabute. — Marinduquenews.com