BOAC, Marinduque — Pitong kapitan at 47 kagawad sa bayan ng Boac na nagtapos na ng kanilang termino bilang mga opisyal ng barangay ang pinagkalooban ng ‘Gawad Pagkilala’ kasabay ng pagpupulong ng ‘Liga ng mga Barangay’, kamakailan.
Ayon kay Punong Barangay Violeta Luarca, pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Boac, layunin ng gawain na kilalanin ang mahalagang kontribusyon na kanilang ginampanan sa loob ng siyam na taong paninilbihan bilang mga lingkod-barangay.
“Ako ay nagpapasalamat sa humigit isang dekada ninyong pagseserbisyo sa ating bayan gayundin pinupuri ko kayo sapagkat nasaksihan ko ang pagkakaisa ng bawat miyembro ng Sangguniang Barangay na naging daan upang maging epektibo ang pagpapatupad ng mga batas pangkomunidad,” pahayag ni Luarca.
Ipinaalala rin ng pangulo ng Liga ng mga Barangay sa mga hindi nananalong opisyal na bagama’t hindi pinalad ang karamihan na mga dating lingkod-bayan sa katatapos lamang na eleksyon ay hindi roon natatapos ang kanilang tungkulin na makamit ang kaayusan sa kani-kanilang pamayanan.
“Kahit walang posisyon sa barangay nawa ay patuloy kayong magsilbi sa ating mga kababayan at maging instrumento ng kapayapaan sa inyong lugar,” dagdag ni Luarca.
Pinasalamatan naman ni Mayor Armi Carrion ang mga opisyal ng barangay na magtatapos sa kani-kanilang mga termino dahil ipinakita nila ang dedikasyon at pagmamalasakit sa komunidad at sa mga residenteng kanilang nasasakupan.
“Sa bawat proyekto, programa, at serbisyong inyong ginawa, naging tibay kayo ng ating barangay. Ang inyong mga pagsisikap at sakripisyo ay nagdulot ng pagbabago at pag-unlad sa ating bayan. Nawa’y maging inspirasyon kayo sa mga darating pang lingkod-bayan na kagaya ninyo,” wika ng alkalde.
Sa pagtatapos ng programa ay binigyan ng sertipiko ang bawat isa kalakip ang gratuity pay mula sa pondo ng Liga ng mga Barangay na may kabuuang halaga na P375,000. — Marinduquenews.com