Mga pari, madre sa Marinduque nanguna sa pagpapabakuna kontra COVID-19

BOAC, Marinduque — Pinangunahan ng mga ‘senior clergy’ ng simbahang Katoliko ang pagpapabakuna para sa mga senior citizen kontra COVID-19 sa probinsya ng Marinduque.

Anim na pari at isang madre na pawang mga senior citizen mula sa Diyosesis ng Boac ang nagtungo sa Marinduque Provincial Hospital kamakailan para magpaturok ng unang dose gamit ang COVID-19 vaccines ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac.

Ayon kay Rev. Msgr. Ramon M. Magdurulang ng Diocese of Boac, nagagalak siya sapagkat kabilang ang mga senior citizen na kagaya n’ya sa mga grupo na prayoridad ng pamahalaan na agad mabigyan ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019.

“Sa simula’t simula pa naman ng kami ay sabihan na magpabakuna at higit sa pagganyak ng ating mahal na obispo, ako ay natutuwa dahil matagal na naming hinihintay ang ganitong pagkakataon na mabakunahan para maproteksyunan ang sarili at ang mga taong nasa paligid namin”, malugod na pahayag ni Msgr. Magdurulang.

Aniya, patuloy ding hinihikayat ng simbahan ang mamamayan lalo na ang mga nakatatanda na huwag matakot magpabukana.

“Nauna nang nagpabakuna ang ating mga healthcare workers kasunod tayong mga senior citizen at wala namang tayong nabalitaan na masamang nangyari sa kanila kaya wala tayong dapat ipangamba. Magtiwala lamang tayo unang-una sa ating sarili at pangalawa lalo’t higit ay sa Panginoon”, dagdag mensahe ng monsignor.

Sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office (PHO), mula sa kabuuang 28,985 na senior citizens sa Marinduque, umabot na sa 1,317 ang nabakuhan dito.

Pinakamaraming matatanda ang naturukan ng bakuna sa bayan ng Santa Cruz na mayroong 356, sumunod ang Boac na nakapagtala ng 334, 186 naman sa Torrijos, 173 sa Gasan, 140 sa Mogpog habang 128 senior citizens ang nabakunahan sa Buenavista. — Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!