BOAC, Marinduque – Isang malaking isda na kung tawagin ay Moonfish (Opah) ang natagpuang wala ng buhay ng mga mangingisda, pasado alas-5:30 kaninang hapon sa baybaying sakop ng barangay Balaring, Boac, Marinduque.
Mabilis namang ipinaalam ng mga operatiba ng Pambansang Kapulisan (PNP) sa Team Leader ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRERT) upang kilalanin kung anong uri ng isda ito at upang alamin ang dahilan ng kamatayan nito.
Sa ginawang pagsusuri ni Dr. Josue M. Victoria, Marinduque Provincial Veterinary, nakuha sa tiyan ng namatay na malaking isda ang mga plastic na hinihinalang napagkamalang jellyfish o pusit na siyang pangunahing pagkain ng mga moonfish.
Ang nasabing isda ay may sukat na apat na piye at walong dali ang haba at tatlong piye at apat na dali ang taas (4.8 feet by 3.4 feet) at tumitimbang ng humigit kumulang animnapu’t limang kilo o 65 kilograms.
Ang Moonfish (Opah) ay isang “warm blooded” fish na naninirahan sa malalalim na bahagi ng karagatan at kalimitang nagpupunta sa mga gilid ng hibasan (reefs) upang manginain.
Matapos ang ginawang pagsusuri, inirekomenda ng Panlalawigang Beterinaryo na ibaon ito sa malalim na hukay at pinagbawalan ang mga mamamayan na huwag kainin ang nasabing isda dahil ito ay posibleng namatay nang hindi bababa sa labing dalawang oras mula ng ito ay matagpuan.
Tinagubilinan din ni Dr. Victoria ang mga mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang maiwasang maulit ang ganitong pangyayari.
Article source and photo courtesy of Dr. Josue Victoria.