Mga senior citizen sa Sta. Cruz, nakinabang sa ‘Benteng Bigas’ Program ni PBBM

BOAC, Marinduque — Tuwang-tuwa ang mga lolo at lola sa bayan ng Sta. Cruz, Marinduque matapos mabiyayaan ng programang “Benteng Bigas Meron Na” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong magbigay ng abot-kayang bigas sa halagang ₱20 kada kilo.

Isa sa mga nakinabang si Joaquin Regio ng Barangay Buyabod, na nakabili ng 10 kilo ng bigas sa halagang ₱200 lamang. Lubos ang kanyang pasasalamat sa kooperatiba ng kanilang barangay.

“Ako ay nagpapasalamat sa kooperatiba dito sa Barangay Buyabod sa pagkakataon na sila ay nagbebenta ng murang bigas na tig-bente pesos bawat kilo, na malaking tulong para sa aming senior citizen,” ani Regio.

Samantala, sinabi ni Minerva Sadol, chairperson ng Pamukiran Agriculture Cooperative, na sila ay bumibili ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) sa presyong ₱20 kada kilo at ibinebenta rin sa parehong halaga para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), solo parents, at mga benepisyaryo ng 4Ps sa Santa Cruz.

“Parehong presyo lamang po nang kami ay bumili o kumukuha [ng bigas] sa NFA, at ‘yun din po ang ating ibinebenta para sa vulnerable sector. Ito’y malaking bagay talaga pati na rin sa aming kooperatiba dahil gusto rin naming matulungan ang ating mga magsasaka,” paliwanag ni Sadol.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga nakatatanda kay Pangulong Marcos sa nasabing programa, na anila’y malaking tulong sa kanilang maliit na kinikita.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, muling iginiit ni Pangulong Marcos ang pangako ng kanyang administrasyon na palawakin pa ang “Benteng Bigas Meron Na” program para mas maraming Pilipino ang makinabang.

“Napatunayan na natin na kaya na natin ang bente pesos sa bawat kilo ng bigas nang hindi malulugi ang ating mga magsasaka,” ani ng Pangulo.

Ang pamamahagi ng murang bigas sa bayan ng Santa Cruz ang ikalawang opisyal na rollout ng Benteng Bigas program sa lalawigan ng Marinduque. Patuloy namang bumababa sa iba’t ibang barangay ang Pamukiran Agriculture Cooperative katuwang ang Department of Agriculture (DA) at Municipal Agriculture Office (MAO) ng Santa Cruz upang maihatid ang abot-kayang bigas sa mas maraming residente. — Marinduquenews.com