Mga senior citizens at PWD’s sa Gasan tumanggap ng grocery package

GASAN, Marinduque — Tumanggap ng grocery package ang nasa 110 na senior citizens at 25 persons with disabilities (PWD) sa bayan ng Gasan, kamakailan.

Ayon kay Mayor Rolando Tolentino, ang pamamahagi ng nasabing ayuda ay upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga PWD gayundin ng mga matatanda lalo na ang mga bedridden o wala ng kapasidad makapaghanapbuhay.

“Kalakip po ng tulong na ating ipinagkaloob sa mga benepisyaryo ay ang patuloy na pagsusumikap ng pamahalaang bayan na mabigyan ng serbisyong may puso ang bawat sektor ng ating lipunan lalo’t higit ang mga kapus-palad na nangangailangan tulad ng mga PWD at senior citizens na bedridden,” pahayag ng alkalde.

Kabilang sa mga ipinamahagi sa mga benepisyaryo ay bigas, gatas, cereal, biskwit, instant oatmeal at adult diapers.

Samantala, maliban sa pagkakaloob ng food packs at diaper ay patuloy rin ang ginagawang distribusyon ng social pension sa mga lolo at lola para sa buwan ng Oktubre. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!