BOAC, Marinduque — Pormal na nanumpa ang 122 punong barangay at Sangguniang Kabataan Chairpersons kasama ang 854 na SB at SK Kagawad sa magkahiwalay na mass oath taking na isinagawa ng lokal na pamahalaan kamakailan.
Ito ay matapos maideklara ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang pinal na listahan ng mga nagwagi at naiproklema ilang araw makalipas ang eleksyon.
Mismong si Mayor Armi Carrion ang nanguna sa panunumpa ng mga opisyal pagkatapos ng pagdaraos ng isang misa para sa mga nagwagi. Dumalo rin upang maghatid ng pakikiisa sina Vice Mayor Mark Anthony Seño, Municipal Administrator Carlo Jacinto, Konsehal Theresa Caballes, Konsehal Dave Larga, Konsehal Alejnic Solomon at Konsehal Gilmer Manguera.
Sa mensaheng ibinahagi ni Carrion, ipinaabot niya ang kanyang pagbati sa lahat ng mga nanalong opisyal. Aniya, sa pagpapakita ng mga ito ng dedikasyon at pagmamahal sa komunidad ay nagiging daan ito tungo sa maginhawang kinabukasan para sa mga mamamayan.
“Mayroong mga pagsubok at hamon na darating ngunit naniniwala ako sa inyong kakayahan na harapin at lampasan ang mga ito. Sa pagkakaisa at pagtutulungan natin, magagawa natin ang mga pagbabagong kinakailangan para sa ating barangay,” pahayag ng alkalde.
Samantala, sa naging mensahe ni Seno sa buong Sangguniang Kabataan, pinaalalahanan niya ang mga ito na maglingkod ng tapat at maging boses ng mas nakararaming kabataan.
“Sa mga naihalal, huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ito na maging huwaran sa mga kabataan sa pagbibigay ng paglilingkod nang may malasakit. Ito ay isa sa mga pagkakataon upang hubugin kayo na maging epektibong mamaya at pinuno,” pahayag ni Seño.
Sa pagtatapos ng aktibidad ay naghandog ng musika ang lokal na pamahalaan para sa mga kabataan. — Marinduquenews.com