SANTA CRUZ, Marinduque – Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaisa ang lokal na pamahalaan ng Santa Cruz at Conservation of Ocean Resources and Aquatic Life (CORAL) na magtanim ng mga coral, kaagapay ang kasalukuyang Miss Earth beauty queens sa isla ng Maniwaya.
Ang mga binibini na sina Miss Philippines – Water 2017, Jessica Marasigan at Miss Philippines – Air 2017, Kim De Guzman ay nagpakita ng kanilang suporta sa kauna-unahang coral movement na ito na naglalayong maibalik ang ganda ng coral reefs sa Pilipinas.
Ang nasabing grupo ay isang non-stock, non-profit, non-government organization na binuo ng Heirs of the World, Inc. (HOW) na nagnanais na magpakalat ng impormasyon at edukasyon tungkol sa paglilinang ng mga coral reef sa ating bansa.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Sa pangunguna ni Michelle Bautista-Tañada, pangulo ng CORAL Movement Organization ay pinasinayaan nila ang kanilang adhikain na sinuportahan naman ni Mayor Marisa Red-Martinez, punong-bayan ng Santa Cruz. Naniniwala sila na sa pamamagitan nito ay mapangangalagaan ang marine biodiversity ng bayan ng Santa Cruz at masasagip ang kapaligiran.
Ayon kay Tañada, ang kilusang ito ay nakatuon sa paglikha ng pamumuhay na Coral Park sa mga baybayin ng Marinduque at nagnanais na palakasin ang turismo, makapaghatid ng trabaho at kabuhayan sa mga mamamayan at maisangkot ang lokal na komunidad sa proyekto sa pamamagitan ng mga pagsasanay para pangalagaan ang mga coral reef sa Pilipinas.
Bukod pa rito ay nagkaroon ng panandaliang pagkawala ng kuryente sa Santa Cruz bilang tanda ng pakikiisa sa Earth Day. –Marinduquenews.com