Mogpog SK, prayoridad ang mga programang nakatutok sa edukasyon

MOGPOG, Marinduque – Inilahad ni Sangguniang Kabataan Provincial President Ethan Valdez ang mga proyektong isinagawa at isasagawa ng kanilang pederasyon sa bayan ng Mogpog sa panahon ng pandemya.

Sa panayam ni Assistant Secretary Jusan Vincent “JV” Arcena kay Valdez sa programang Laging Handa Network Briefing kamakailan, sinabi nito na prayoridad nila ang mga programang nakatutok sa edukasyon ng mga kabataan.

“Ngayong taon ay naka-sentro po ang aming mga programa sa edukasyon. Nakahanda na po kami para magbigay ng school supplies sa mga secondary level. Nakatakda na rin po naming ipamahagi ang mga internet modem sa mga barangay na mahina ang data connection para makapag-aral ng maayos ang ating mga kapwa kabataan”, pahayag ni Valdez.

Sinabi rin ng panlalawigang pangulo ng sangguniang kabatan na upang masiguro at tugma ang kanilang ginagagawa sa mga programa ng lokal na pamahalaan ay patuloy ang ‘close coordination’ nila sa tanggapan ng punong-bayan.

“Nakikipag-coordinate po kami sa opisina ni mayor, gayundin sa bawat departamento ng aming lokal na pamahalaan para magkaroon kami ng ideya sa kung ano pa ang pwede naming maitulong sa mga kabataan lalo’t higit sa mga frontliners”, dagdag ni Valdez.

Samantala, noong kasagsagan aniya ng pandemya ay limitado lamang ang suplay at walang mabiling faceshield sa probinsya kaya naisipan ng kanilang grupo na gumawa na lamang ng mga ito.

Mula sa kanilang ‘do-it-yourself’ o DIY project ay nakapag-distribute sila ng 60 face shield sa mga frontliners sa kanilang bayan.

Sa pagtatapos ng panayam ay nagpasalamat si Valdez sa mga taong tumulong sa kanilang mga proyekto gayundin sa mga gumagabay at nakikiisa sa kanilang mga programa para makapaghatid ng maayos na serbisyo sa mga kabataan. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!