BOAC, Marinduque – Pormal ng binuksan nina Mayor Roberto M. Madla at DepEd-MIMAROPA Regional Director Dr. Lorna Digno ang Municipal Library ng Boac sa Casa Real.
Ang silid-aklatan na ito ay binubuo ng mga seksyon gaya ng circulation section, periodicals and reference section, Filipiniana at electronic sections.
Nagpahayag ng pasasalamat naman si Digno sa lokal na pamahalaan ng Boac dahil malaking tulong umano ito upang mas lalong tumaas ang lebel ng pang-unawa ng mga mag-aaral sa iba’t ibang uri ng babasahin. Hangad din ng direktor na sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng silid-aklatan ay tataas din ang antas ng porsyento ng mga eskwelahan pagdating sa national achievement test (NAT).
Hiling din ni Digno na sana ay laging mamalagi ang mga estudyante sa silid-aklatan sa pamamagitan na rin ng mga gawain na makakakuha ng interes ng mga kabataan.
“Sana po ang library ay point of destination, gimikan ng mga kabataan. Sana po sa pagpapatakbo nito ay mas marami pong programa at proyekto ang ating silid-aklatan so that kids will be inspired to come (nang sa gayon ay maengganyo ang mga kabataan na magbasa)”, ayon kay Digno.
Ang paggamit ng mga kagamitan sa municipal library ay bukas para sa lahat ng mag-aaral sa probinsya simula ikawalo ng umaga hanggang ikalima ng hapon na pinangangasiwaan ni Gil Francis Manguera na tumatayong municipal librarian. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)
Photo courtesy of Bernadine Mercado