Munisipyo sa barangay, umarangkada na sa Torrijos

TORRIJOS, Marinduque — Inaasahang mapakikinabangan ng maraming residente ang pagsasagawa ng programang ‘Munisipyo sa Barangay 2024: Taunang Pangkalahatang Pagbibigay ng Impormasyon at Kampanya sa Pagbabayad ng Buwis’ sa bayan ng Torrijos na nilahukan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ang nasabing programa ay pinangunahan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan kung saan ay pormal na inumpisahan kamakailan ang paglilibot sa 25 barangay na sakop ng bayan ng Torrijos.

Tampok ang paglalahad ng mahahalagang impormasyon at pagpapaalala patungkol sa kanilang mga gampanin at obligasyon sa pamahalaan partikular sa pagbabayad ng buwis. Malaya rin ang mga residente na makapagtanong at mabigyan ng paliwanag tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa mga programa ng gobyerno.

Sa pamamagitan ng naturang inisyatiba ay nailalapit ang mga serbisyo at programa ng lokal na pamahalaan direkta sa mga residente. Sa halip na ang mga tao ang pupunta sa munisipyo, ang mga empleyado ng LGU ang pupunta sa mga barangay upang mabawasan ang gastos sa pamasahe ng mga mamamayan kasabay ang layuning makapaghatid ng mabilis na transaksyon sa mga ito.

Ginagawa ang programa sa unang quarter ng bawat taon para makalibre ng 20 porsiyentong diskwento ang mga residente sa kanilang babayaring buwis. Bukod dito, maaaring makakuha ng iba pang libreng serbisyo ang mga mamamayan mula sa ibang katuwang na ahensya ng pamahalaan. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!