BOAC, Marinduque – Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Heritage Month ng bayan ng Boac, nagsagawa ang Municipal Council for Local History Culture and the Arts ng Two-Day Orientation on Cultural Registry.
Ipinaliwanag ni Dr. Randy Nobleza, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa Marinduque State College (MSC) ang mga tangible at intangible traditions (mga nahahawakan at di nahahawakang tradisyon) ng Marinduque. Ayon sa tagapagsalita, mapabibilang sa mga tangible tradition ang mga nahahawak na kagamitan gaya ng maskara ng Moryon at rebulto. Masasabi naman na intangible traditions ang Moriones Lenten Rites, pagpuputong, at pagtugtog ng kalutang (instrumentong yari sa dalawang kawayan).
Sa pangunguna ni Genoveva Loto, municipal information at tourism officer ng Boac, ipinakilala niya sa mga miyembro ng konseho ang mga lumang bahay na matatagpuan sa buong poblacion kung saan ang ilan sa mga ito ay tahanan ng mga bayani gaya ni Kap. Teofilo Roque na nanguna sa Labanan sa Paye at mga tanyag na dating opisyal at mangangalakal gaya ng mga pamilya del Mundo, Nieva, Alino at Sto. Domingo.
Bukod pa rito ay nagsagawa rin sila ng paglalapat ng mga dokumento at impormasyon na kanilang ipapasa sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na susuporta upang mapabilang ang Deogracias St. at Mercader St. sa mga Heritage Zone.
Ang oryentasyon na isinagawa ay ginanap sa Boac Casa Real.
Ang pagdiriwang na ito ay may temang “Pambansang Pagkakaisa Para sa Pamana. –Marinduquenews.com