BOAC, Marinduque — Umabot na sa 2.6 milyon na Pilipino sa rehiyon ng MIMAROPA ang matagumpay na nairehistro sa Philippine Identification System o PhilSys.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na isinagawa sa Oriental Mindoro kaninang umaga, Hulyo 23, sinabi ni Philippine Statistics Authority (PSA)-MIMAROPA Regional Director Leni Rioflorido na as of July 17 ay nakapagrehistro na ang kanilang ahensya ng 2,680,678 na indibidwal sa buong rehiyon.
Pinakamarami ang national ID registrants na naitala sa probinsya ng Palawan na mayroong 1,028,498 sinundan ng Oriental Mindoro na may 757,122 at Occidental Mindoro na may 439,511 habang 250,695 ang nairehistro sa Romblon at 204,852 naman ang sa Marinduque.
“Sa bilang na ito, 2 milyon na rehistradong indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang Electronic Philippine Identification sa pamamagitan ng mga request sa mga registration centers, plaza type na pamamahagi at house-to-house na paghahatid ng mga ePhilID,” dagdag ni Rioflorido.
Base sa datus, nasa 713,581 na ang naipamahaging national ID sa Palawan, 649,402 sa Oriental Mindoro, 349,088 sa Occidental Mindoro, 213,704 sa Romblon at 159,868 sa Marinduque.
Batay sa Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System (PhilSys) Act, ang PhilID ang magsisilbing opisyal na pambansang pagkakakilanlan ng isang mamamayan ng Pilipinas kung saan ito ay maaaring gamitin sa anumang transaksyon sa lahat ng nasyunal at lokal na ahensya ng gobyerno kasama na ang mga pribadong sektor katulad ng bangko at iba pang institusyon. — Marinduquenews.com