Imbes na makabuti, lalo lamang umanong nalulugmok pababa ang mga manok ng Otso Diretso dahil sa patuloy nitong pambabatikos at black propaganda laban sa mga kandidatong sinusuportahan ng Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Ayon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, patuloy lamang na maiirita ang mga botante laban sa mga pambatong kandidato ng oposisyon kung hindi nila babaguhin ang kanilang estilo ng pangangampanya at ipagpapatuloy lamang ang mga paninira laban sa mga senatoriable na suportado ng HNP at ng administrasyong Duterte.
Paliwanag ni Velasco, kitang-kita naman sa pinakabagong non-commissioned pre-election survey na inilabas nitong Huwebes ng Social Weather Stations (SWS) na lalo pang nabaon sa ilalim ng laylayan ang karamihan sa mga kandidato ng Otso Diretso, partikular na ang kanilang mga manok na nagpapalaganap ng maling impormasyon laban sa mga HNP candidate.
“More than helping them, I believe that the negative campaign of the opposition is hurting them,” sabi ni Velasco.
Pinayuhan din ng kongresista ang oposisyon, na imbes na magpatuloy sa kanilang black propaganda laban sa mga sinusuportahan ng HNP ay lagyan na lamang ng positibong aspeto ang takbo ng kanilang kampanya imbes na magpatuloy sa kanilang paninira upang makaengganyo ng mas maraming botante.
“The voters want to hear what the candidates can do to improve their lives, what the candidates can offer to provide jobs and what the candidates have to say on health care,” paliwanag ni Velasco.
Tanging sina dating Interior Sec. Mar Roxas at reelectionist Sen. Paolo Benigo ‘Bam’ Aquino IV lamang na kapwa miyembro ng Partido Liberal ang pumasok sa Top 12 base sa pinakabagong datos mula sa SWS.
Si Roxas ay kasalukuyang nasa ika-siyam na pwesto habang pang-sampu naman ni Aquino.
This article was first published on Abante.com.ph, “‘Negative campaign’ ng Otso Diretso, nakakasama sa oposisyon – Velasco”