MOGPOG, Marinduque — Ipinakilala na ng Department of Science and Technology-Provincial Science and Technology Center (DOST-PSTC) Marinduque ang kanilang tinatawag na ‘New-to-the-World Products’.
Ang mga produkto na tinutukoy ng DOST-PSTC ay ang vacuum fried dilis, malunggay crackers at coconut candy.
Ayon kay Eleazar Manaog ng DOST-PSTC, bukod sa mga pamilihan sa Marinduque ay iniaangkat na rin nila ang vacuum fried dilis sa labas ng probinsya samantalang ang malunggay crackers at coconut candies naman ay pansamantalang sa Marinduque lang muna mabibili lalo na sa mga paaralan.
Upang makagawa ng mga produktong ito, iba’t ibang kooperatiba ang katuwang ngayon ng nasabing ahensya kasama ang partisipasyon ng Department of Trade and Industry at Department of Labor and Employment. Sa paggagawa ng vacuum fried dilis, kaagapay nila ang Balanacan Multi-Sectoral Credit Cooperative, Batayang Pamayanang Kristiyano naman sa paggagawa ng malunggay crackers at Mogpog Vegetarian Growers naman ang gumagawa ng coconut candy.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Ang kita na naiipon mula rito ay direktang napupunta sa mga kooperatiba.
Nagsimula ang proyektong ito dahil sa pilot project ng pamahalaang bayan ng Mogpog kung saan ipinamahagi rin ng DOST- Industrial Technology Development Institute ang vacuum frier sa LGU. Ang pondo na ginamit dito upang mabuo ang pagsasagawa ng tatlong produktong ito ay nagmula sa Bottom-up Budgeting (BUB) funds ng bayan ng Mogpog.
Mayroon ding online marketing para sa mga nagnanais na bumili ng mga produkto ng Marinduque at iba pang probinsya sa rehiyon ng Mimaropa. Maaari itong bisitahin sa www.mimaropaventures.ph. — Marinduquenews.com