BUENAVISTA, Marinduque – Namatay na ngayong umaga ang isang bata pang hawksbill sea turtle na nasagip habang may nakabarang plastic sa bibig sa Barangay Caigangan, Buenavista, Sabado nitong Agosto 10.
Sinubukan pang palakasin at gamutin ang pawikan, ngunit namatay din ito dahil sa sobrang panghihina.
Sa isinagawang pagsusuri ng Provincial Veterinary Office at Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team nakita ang sala-salabid na nylon rope sa bituka nito.
Ayon kay Dr. Josue Victoria, kung nadala lamang agad sa beterinaryong may kasanayan sa paglalapat ng lunas sa kaparehas na insidente ay maaring nabuhay pa ang kaawa-awang buhay-ilang.
“Nananawagan ang punong tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo ng Marinduque na kung sino man ang makakikita ng anumang uri ng buhay-ilang ay agaran itong ipagbigay-alam sa aming tanggapan bago gumawa ng anumang hakbang para sa kanilang kapakanan”, ani Victoria.
Samantala, nagpaalala naman si Melvin Vitto, Municipal Disaster and Risk Reduction Management Officer ng Buenavista na iwasang magtapon ng basura lalo na ng plastic sa dagat upang maiwasang mapinsala ang mga buhay-ilang.
Ang hawksbill sea turtle na may scientific name na “Eretmochelys imbricata” ay nasa listahan ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) na critically endangered species. – Marinduquenews.com