Pinawalang-sala ng Office of the Ombudsman sa pangunguna ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sina Marinduque Governor Carmencita Reyes, Vice Governor Romulo Bacorro, Jr., Board Member Harold Red, Former Board Member Norma Ricohermoso, Former Provincial Legal Officer Marie Fe Galvez-Garcia at apat na iba pa sa umano’y paglabag nila sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical standards for Public Officials and Employees – Abuse of Authority.
Noong Pebrero 9, 2015, nagsampa ng kaso ang dating bokal ng Marinduque at presidente ng Sargasso Construction and Development Corporation na si Melecio Go kasama sina Volunteers Against Crime and Corruption Chairman Martin Dindo at Founding Chairman and President Dante LA Jimenez laban sa kasalukuyang gobernador ng Marinduque na si Carmencita Reyes at walong iba pa hinggil sa hindi pagbibigay ng commercial gravel at sand permit sa kompanyang Sargasso Construction and Development Corporation na pagmamay-ari ni Mel Go.
Sa sampung pahinang resolusyon na inilabas ng Office of the Ombudsman noong ika-16 ng Nobyembre 2016, pinawalang-bisa ni Morales ang kasong isinampa laban kina Reyes at walong iba pa dahil hindi nagpasa ng mga kinakailangang dokumento ang kompanyang Sargasso kung kaya’t hindi ito binigyan ng gravel and sand permit ng Provincial Mining and Regulatory Board at ng opisina ng gobernador.
Ang kasong ito ang naging dahilan ng pagkaantala ng ginagawang rehabilitasyon ng run way ng Marinduque Domestic Airport.
Narito ang kopya ang resolution na ipinalabas ng Ombudsman: Joint Resolution Issued by the Ombudsman re Case Filed by Mel Go to Carmencita Reyes among others