BOAC, Marinduque – Nagbahagi ang One Meralco Foundation ng ayuda sa mga biktima ng bagyong Rolly at Quinta sa Marinduque kamakailan.
Personal na inihatid ng grupo kay Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang relief pack na naglalaman ng bigas, delata, at iba pang easy-to-prepare food para sa 1,000 pamilya na lubos na napinsala ng mga nagdaang kalamidad.
Namahagi rin ang One Meralco Foundation ng 1,000 kaban nang bigas na nakatakdang ibigay sa may 10,000 pamilya sa buong lalawigan.
Ilan sa mga nahatiran ng tulong ay ang 300 pamilya sa Barangay Tabigue, Boac kung saan marami sa tahanan ng mga residente roon ay binaha matapos na umapaw ang tubig mula sa Boac River sa kasagsagan ng Bagyong Rolly.
Hindi naman nakalimutan ng organisasyon na bigyan ng sumbrerong pangtrabaho o hard hats ang Marinduque Electric Cooperative (Marelco) para magamit ng mga crew nito sa pagsasaayos ng mga nasirang linya at posteng itinumba ng mga bagyo.
“On behalf of the grateful people of Marinduque, I express my profuse thanks to Meralco. Your help will go a long way in alleviating the poverty and misery brought about by typhoons Quinta and Rolly (Sa ngalan po ng sambayanang Marinduqueno, ipinaabot ko ang marubdob na pasasalamat sa Meralco. Malaki ang maitutulong ng inyong donasyon upang maibsan ang kahirapan at pagdurusa ng aming mga kababayan sa pinsalang dulot ng mga bagyong Rolly at Quinta) ,” pahayag ni Velasco.
Ang One Meralco Foundation ay ang social development arm ng Manila Electric Company (Meralco) na bahagi ng MVP Group of Companies at pag-aari ng business tycoon at philantropist na si Manny V. Pangilinan. – Marinduquenews.com