BOAC, Marinduque, Enero 29 (PIA) — Muling nagsagawa ng ‘One-Time Big-Time Operation: Oplan Lambat Bitag Sasakyan’ ang Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP)-Highway Patrol Group (HPG) kahapon, Enero 28 sa bayan ng Boac para hulihin ang mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko.
Tugon ito ng ahensya sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na istriktong ipatupad ang mga batas-trapiko sa bansa.
Ayon kay Edgar Labao, officer-in-charge ng LTO District Office sa Boac, layunin nito na maiwasan ang pagdami ng mga aksidente sa kalsada dulot ng mga hindi lisensyadong motorista at sasakyan.
“Marami po kaming nahuli na mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko. Karamihan po sa kanila ay hindi nakarehistro ang mga sasakyan at wala o hindi valid ang lisensya”, pahayag ni Labao.
Sa panig ng LTO, sa ginawang ‘one-time big-time operation’ sa Barangay Tabi, Boac ay 11 unit ng mga sasakyan ang nahuli habang 4 ang na-impound o dinala sa headquarter ng LTO provincial district office.
Maliban sa PNP-HPG ay naging katuwang din ng LTO sa Oplan Lambat Bitag Sasakyan ang Provincial Mobile Force Platoon, Boac Municipal Police Station, Boac Traffic Management Office at Aerox Philippines-Marinduque Chapter. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)