(UPDATED) MOGPOG, Marinduque – Isang juvenile Oriental Honey Buzzard (Pernis ptilorhynchus) ang matagumpay na nasagip ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRET) sa bayan ng Mogpog nitong Huwebes, Marso 28.
Ang pagsagip sa nasabing buhay-ilang ay bunsod ng isang Facebook post ni Delbert Jabat Madrigal mula sa Department of Health-Provincial Office.
Ayon kay Madrigal, nakita niya ang nakakulong na ibon sa isang hawla habang nagsasagawa siya ng Rapid Coverage Assessment (Measles Outbreak Response Immunization) sa nasabing bayan.
Sa pangunguna ni Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque, agad na pinuntahan ng MAWRET ang lugar upang sagipin ang nabanggit na buhay-ilang
Hindi naging madali para sa mga rescuer ang pagtunton sa kinaroroonan ng sasagiping ibon dahil sa kakulangan ng impormasyon sa eksaktong lokasyon at pangalan ng nangangalaga rito.
Ani Victoria, habang tinutunton nila ang kinaroroonan ng ibon ay isang lalaki ang lumapit sa kanila at nagpakilalang si Rommel Mandia, tatlumpo’t siyam na taong gulang, may asawa’t anak at naninirahan sa purok Labawan, barangay Butansapa. Ipinabatid ni Mandia sa grupo na siya ang kumukupkop sa hinahanap na ibon.
Nabawi ang ibon na kusang loob namang ipinaubaya ni Mandia sa mga rescuer.
Sa kasalukuyan ay nasa maayos ng sitwasyon at pangangalaga ng MAWRET ang ibon na isang juvenile honey buzzard. Ito ay kalimitang nakikita sa mga bulubunduking kagubatan sa probinsya ng Marinduque na siya nitong natural na pamugaran at malimit din itong makita sa mga talampas sa gilid ng karagatang nakapalibot sa isla.
Pakakawalan ang ibon kapag sapat na ang lakas nito at kakayahang mamuhay mag-isa sa kanyang natural na pamahayan. – Marinduquenews.com