Ibinaba mula sa Department of Labor and Employment sa pangunguna ni Assistant Regional Director Sixto “Popoy” Rodriguez ang P1.7 million para sa pagpapatayo ng fish cage sa Brgy. Angas, Santa Cruz, Marinduque.
Ayon kay Marjun Moreno, senior labor and employment officer ng DOLE-Marinduque, nais ng kanilang kagawaran na mas mapalakas pa nila ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Santa Cruz bilang kilala ang bayan na ito na “seafoods capital” ng probinsya.
Bukod pa rito ay naglalayon din ang kanilang programa na tulungan ang turismo ng Santa Cruz kung saan malapit sa barangay Angas ang Maniwaya Island.
“Bukod sa pangangailangan sa lapu-lapu, ito po kasing project na ito ay naglalayon na ikabit ‘yong mismong area sa turismo ng Maniwaya para iyong mga turista ay hindi lang pupunta para mag-beach kundi para maranasan nila na may kakainan sila o ‘di kaya ay ‘yong activity na pamimingwit ng mga isda,” ayon kay Moreno.
Dagdag pa niya, sa buong kasaysayan ng Mimaropa ay ito ang pinakamalaking budget na inilabas ng kagawaran para sa ganitong klaseng proyekto.
Ang Maniwaya Island kasi ay isa sa mga dinarayo ng mga turista na mga nagnanais na maligo sa dagat at makita ang tinatawag na Palad sand bar at Ungab rock formation lalo na sa panahon ng Mahal na Araw at bakasyon na pwedeng bisitahin sa pamamagitan ng pagtawid sa dagat gamit ang bangka. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)
Photo courtesy of Michael Estrella Basco