BOAC, Marinduque — Tinatayang nasa 3,390 na manggagawa mula sa sektor ng turismo sa Marinduque ang makatatanggap ng cash assistance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism (DOT).
Ito ang ipinahayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat nang bumisita ito sa probinsya kamakailan kung saan ay personal nitong iginawad ang mga sertipiko mula sa DOT at DOLE cash assistance program para sa may 346 na benepisyaryong ‘tourism workers’.
Ayon kay Puyat, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay tatanggap ng P5,000 bawat isa na may kabuuang pondo na P16.95 milyon.
“Sa probinsya ng Marinduque, nag-endorse tayo sa DOLE ng 4,733 DOT applicants pero 3,390 pa lamang ang naaaprubahan sa halagang P16.95 milyon. We hope na madagdagan kasi hindi dapat limitado iyong nabibigyan natin ng financial assistance na P5,000 each,” pahayag ni Puyat.
Binanggit din ng kalihim na makakasama ang Marinduque sa itatatag na inter-regional tourism circuit sa Southern Luzon kung saan kabilang ang Quezon, Laguna at Albay.
Sa nasabing circuit aniya ay itatampok ang “farm, food and faith tourism products” na bantog sa apat na lalawigan.
Nangako rin si Puyat na daragdagan pa ang pondo para sa tourism road infrastructure at water supply development sa lalawigan.
Sa kasalukuyan ay mayroong 17 accredited tourism establishments at service providers kagaya ng hotel at travel and tour operator sa buong probinsya. — Marinduquenews.com