Patay na nang matagpuang palutang-lutang ang isang juvenile spinner dolphin sa karagatang sakop ng Tres Reyes Island, Barangay Pinggan bayan ng Gasan nitong Lunes, Enero 29.
Sa isinagawang pagsusuri ng Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team sa pangunguna ni Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque, napag-alaman na malusog ang dolphin bago mamatay. Walang nakitang palatandaan na ito ay may sugat o iniindang panlabas na karamdaman base sa isinagawang panlabas na pagsisiyasat.
Nagsagawa rin ng panloob na pagsusuri o ‘necropsy’ ang mga eksperto kung saan ay nadiskubre na walang laman ang mga bituka nito, pagpapatunay na maaaring hindi ito kumain ng ilang araw.
#MakeADifference: Kabayan, help us to stay up, help us to buy a video camera
Wala ring nakitang palatandaan na ito ay may malalang karamdam sa mga lamang loob o parasitiko.
Sa pagtatanong ng mga otoridad sa mga mamamayang nakatira sa nabanggit na lugar, ilang araw bago nakita ang patay na dolphin ay may naganap na ‘dynamite fishing’ malapit sa lugar na pinangyarihan.
Hinihinalang dahil sa pagsabog na dulot ng ‘dynamite fishing’ ang naging sanhi ng kamatayan ng kaawa-awang buhay-dagat. –Marinduquenews.com