SANTA CRUZ, Marinduque — Nasa 50 na mga farmer leader at agricultural extension workers kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang kooperatiba at asosasyon sa lalawigan ng Marinduque ang nakiisa sa tatlong araw na pagsasanay hinggil sa ‘Agro-Enterprise Development with Clustering Approach’ (AEDCA) na inorganisa ng Provincial Agriculture Office katuwang ang Department of Agriculture (DA)-Mimaropa.
Sa unang araw ng pagsasanay ay tinalakay ang paksa tungkol sa Understanding the Market and Identifying the Market Opportunities samantalang sa ikalawang araw ay pinag-usapan ang Organizing Farmer Clusters for Supply Consolidation, Understanding the Product and Competitive Pricing gayundin ang mga plano at mithiin ng Agro-Enterprise concept habang sa ikatlong araw ay nagkaroon ng focus group discussion kung saan ay ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan at karanasan sa pangangasiwa ng mga negosyong may kaugnayan sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.
Sa pamamagitan ng konsepto nang ‘Farm and Fisheries Clustering and Consolidation o F2C2 ng Agricultural Training Institute (ATI) ng DA, ang nasabing pagsasanay ay naglalayong suportahan at isulong para pagsama-samahin ang mga produktong ani ng mga magsasaka na nasa ilalim ng mga banner program ng ahensya kagaya ng palay, mais, national high value crops, livestock at organic agriculture upang madali itong maibenta sa merkado.
“Ang F2C2 na itinatag noong Agosto 8, 2020 sa bisa ng Administrative Order No. 27 ay binuo ng Kagarawan ng Pagsasaka bilang isang istratehiya para mapalago ang kita ng ating mga magsasaka at mga mangingisda. May mga layunin din itong makamit ang tinatawag na Economic Scale at magkaroon ng mas matibay na pakikipag-ugnayan sa mga prodyuser at sa mga natukoy nating merkado,” pahayag ni Rustom Gonzaga, F2C2 report officer ng DA-Mimaropa.
Ibinahagi rin ni Assistant Provincial Agriculturist Susan Arellano-Uy na napakahalaga ng naturang workshop para sa mga agro-enterprise worker para maisulong ang mga programa ng clustering nang sa gayon ay matulungan at mapaunlad ang mga organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda.
Lubos naman ang pasasalamat ni Donna Lecaroz, chairperson ng Sagana Marinduque Agriculture Cooperative at isa sa mga kalahok sa Training of Trainors on AEDCA sapagkat napakarami aniya ng kanilang natutunan sa pagsasanay lalo pa kung magsasama-sama ang mga magsasaka at mangingisda sa komunidad.
“Kung sama-sama ay talagang kayang-kaya pero kung kanya-kanya ay wala po talagang matatamasang kaunlaran ang mga magsasaka kaya labis-labis po ang aking pasasalamat sa Provincial Agriculture Office sapagkat napabilang ako sa pagsasanay na ito kaya pagpupursigihan namin na makabuo ng isang Agro-Enterprise Clustering Approach dito sa Marinduque.
Inaasahan naman ng DA at Panlalawigang Tanggapan ng Pagsasaka na makapaghikayat ang bawat cluster ng aktibong ‘Big Brother-Small Brother Partnership’ at joint ventures sa mga farmer cooperative and association. — Marinduquenews.com