Halos mag-iisang buwan nang nakararanas ng power blackout ang lalawigan ng Marinduque na nagsimula noong Semana Santa. Pangunahing dahilan ng mga blackout na ito ang pagpalya ng mga power generator ng National Power Corporation o NPC na nakatalaga sa iba’t ibang bayan sa Marinduque. Tinatayang nasa 1.5 megawatt hanggang 2.5 megawatt ang kakulangan sa kuryente sa kabuuan ng Marinduque grid sa mga oras na pinakamataas ang demand sa kuryente.
Sa pakikipag-ugnyan ng aking opisina sa NPC, nangako ang pambansang liderato ng NPC na agarang ipatutupad ang mga sumusunod na hakbang upang maibsan ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Marinduque:
- Agarang pagkukumpuni ng mga nasirang power generator sa mga bayan ng Boac, Torrijos, at Mogpog para maibsan ang mga blackout;
- Bigyang prayoridad ang pag-aarkila ng mga karagdagang power generator para sa Boac at Torrijos upang madagdagan ang kasalukuyang suplay ng kuryente; at
- Paandarin ang mga naarkilang mga power generator ng lampas sa naitakdang oras upang matugunan ang pangangailangan sa suplay ng kuryente sa mga oras na pinakamataas ang demand.
Isa tayo sa mga nagsulong sa Kongreso para maaprubahan ang budget nang NPC na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon para sa kasalukuyang taon ng 2024. Malaking bahagi ng halagang ito ay nakalaan para sa pagkukumpuni at pagpapanatili sa maayos na kondisyon ng mga planta ng NPC. Kaya para sa akin ay hindi katanggap-tanggap ang anumang pagkakaantala sa bahagi ng NPC sa pagsasaayos ng kanilang mga planta sa Marinduque. Tayo ay personal nang nakipag-ugnayan kay NPC President Fernando Roxas upang tiyakin na ang mga generator ay maisasaayos, makukumpuni, at maibabalik sa normal na estado sa pinakamadaling panahon.
Sa bahagi ng Marinduque Electric Cooperative (Marelco), nangako na rin ang pamunuan ng Marelco na may mga karagdagang suplay ng kuryente na papasok ngayong 2024 na 2.0 megawatt. Sa 2025 ay 4.0 megawatt ang inaasahang papasok, at sa 2026 ay 4.0 megawatt muli ang dagdag na papasok sa Marinduque grid. Ayon sa Marelco, tuloy tuloy rin ang kanilang pagkontrata ng karagdagang suplay para mapunan ang inaasahang pagkawala ng suplay ng kuryente mula sa NPC sa 2027 dahil sa pagtatapos ng kontrata ng Marelco at NPC.
Ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay nangako rin na ikakabit ang isla ng Marinduque sa Luzon Grid sa pamamagitan ng submarine cable pagdating ng taong 2030. Patuloy nating susubaybayan ang mga pangakong ito ng NPC, Marelco at NGCP, at inatasan na rin natin sila na direktang magsumite sa ating opisina ng palagiang ulat upang ating matiyak ang estado ng pagtupad sa mga ipinangako nilang programa para mapalawig pa ang suplay ng kuryente sa lalawigan ng Marinduque.
Bukod sa kakulangan ng suplay ng kuryente, isa ring dahilan sa pagkawala ng kuryente sa ating probinsya ay ang mga ‘di inaasahang paggambala sa mga linya ng kuryente na dulot ng masukal na tubo ng mga halaman at puno at mga ligaw na hayop. Bilang Tagapamuno ng House of Representatives Committee on Energy, binigyang prayoridad ko ang pagpasa ng Anti-Obstruction of Power Lines Act upang panatilihin ang integridad ng mga linya at poste ng kuryente, at tiyakin na ang suplay ng kuryente ay matiwasay na aabot sa ating mga kabahayan. Mariin kong hinihimok ang NPC at Marelco na masugid na ipatupad ang batas at panatilihing malinis ang mga lugar na dinaraanan ng mga kawad ng kuryente sa kabuuan ng isla ng Marinduque.
Kasalukuyan ko ring itinataguyod ang pagsasabatas ng Linemen Academy Bill upang makatulong sa pagsasanay at pagpapalakas ng hanay ng mga inhenyero, linemen, at mga frontliners ng Marelco. Nais nating lalo pang paghusayin ng Marelco ang pag papanatili, pagkukumpuni, at pagsasaayos ng mga linya at kawad ng kuryente, mga poste, at iba pang imprastrakturang pang kuryente sa lalawigan, nang sagayon ay maitaas ang antas ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Bagama’t samu’t sari ang hamon na ating hinaharap sa ating tungkuling magbigay ng de-kalidad na serbisyo sa kuryente, tayo ay patuloy na magpupursigi upang mailapit natin sa ating mga kababayang Marinduqueño ang mura, maasahan, at malinis na suplay ng kuryente.