BOAC, Marinduque – Iminungkahi ni Department of Tourism-Mimaropa Regional Director Danilo B. Intong sa Provinicial Tourism Office (PTO) ng Marinduque na kailangan nilang magtuon sa pagpapalabas ng kagandahan ng lalawigan sa tulong ng social media.
Ito ay matapos sumangguni ang Pamahalaang Panlalawigan at PTO kay Intong at sa mga kasapi ng Tourism Development Council (TDC) ng rehiyon upang mabuo ang tourism development master plan na layuning mas maipakilala pa ang natatanging ganda ng probinsya sa mga turista.
Sa tingin ng TDC, malaki ang maitutulong kung mas maipapakilala nila ang mga atraksyon sa lalawigan sa pamamagitan ng pag-a-upload ng mga larawan at video gaya ng moriones, putong at kalutang festival na maaaring maipagmalaki hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Pakiusap din ni Intong sa pamahalaan na huwag ipagpalit ang kagandahan ng kalikasan kapalit ng pagpapatayo ng mga establisymento sa mga lugar. Dito raw kasi mas nakikilala ang Marinduque dahil sa luntiang kapaligaran at magagandang likas na tanawin.
Photo courtesy of Marinduque Provincial Government