BOAC, Marinduque – Pormal nang ibinigay ng Department of Health (DOH)-Mimaropa ang anim na moderno at bagong ambulansya sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque nitong Sabado, Nobyembre 28.
Mismong si Regional Director Mario Baquilod ng DOH-Mimaropa ang dumalo sa turn-over ceremony na ginawa sa harap ng provincial capitol compound. Naroon din si House Speaker Lord Allan Jay Velasco, Gov. Presbitero Velasco, Jr. at Boac Mayor Armi Carrion na sumaksi sa ceremonial turn-over.
Ayon kay Baquilod, malaki ang magiging tulong ng mga ambulansya para mapabilis ang paglilipat o pagdadala ng mga pasyente sa ospital.
“Ang laking tulong ng mga ambulansyang ito sa Marinduque sapagkat alam naman natin na ang pangunahing gampanin ng ambulansya ay maghatid ng mga emergency o pasyenteng nasa kritikal na kondisyon. Sa pamamagitan ng isang ‘trained health worker’ ay matutugunan ang pangangailangang medikal ng pasyente habang ibinibiyahe ito,” pahayag ni Baquilod.
Sinabi rin ng pangrehiyong direktor na ang pondo na ginamit sa pagbili ng nasabing mga ambulansya ay mula sa 2019 budget ng pamahalaan.
Aniya, nagkakahalaga ng P2.5 milyon ang bawat unit kasama ang iba pang basic life support equipment kagaya ng stretcher, oxygen, at gamit pangkomunikasyon.
Ang naturang mga ambulansya ay naisakatuparan dahil sa kahilingan ni Speaker Velasco sa DOH at ang mga ito ay nakatakdang ibigay sa mga rural health unit ng bawat bayan. – Marinduquenews.com