Si Jannah P. Loslos ang napiling kinatawan hindi lamang ng lalawigan ng Marinduque bagkus ay ng buong Southern Tagalog Region sa nalalapit na Reyna ng Aliwan 2020. (Larawang kuha ni Mark Cezar Ola/Marinduque News Network)
MOGPOG, Marinduque – Pasok sa Top 25 semifinalist si Jannah P. Loslos mula sa daan-daang binibining nag-audition sa Reyna ng Aliwan 2020, isang patimpalak-pampagandahan na naglalayong maipagmalaki at maipakita hindi lamang ang ganda ng Pilipinas bagkus ay ang mayaman nitong kultura, tradisyon at mga festival.
Si Bb. Loslos ay ipinanganak at lumaki sa Barangay Sumangga, bayan ng Mogpog. Nagtapos ng elementarya sa Mababang Paaralan ng Sumangga at sekondarya sa Quezon Roxas (QueRox) National High School.
Ayon kay Loslos, Grade 9 siya ng magsimulang sumali sa mga beauty contest.
“Ang pinaka-una ko pong sinalihan na beauty pageant ay Miss Nutrition Month sa QueRox National High School,” sabi ni Bb. Loslos.
“Mula sa pagig ng mahiyain na epekto ng pangbu-bully na naranasan ko noong maliit pa ako, dahil sa kakaiba kong apelyido, doon ko po napatunayan na kaya ko palang gawin ang ganito. Ako po kasi ang hinirang na kampeon, at nakuha ko ang karamihan sa mga gantimpala,” dagdag na pahayag ni Loslos.
Mula noon ay naging laman na ng mga beauty pageant si Jannah. Hinirang din siya na Binibining Araw ng Gasan at naging kinatawan ng Marinduque sa Miss Philippines noong 2018.
Sa nalalapit na Reyna ng Aliwan 2020, si Jannah ang napiling kakatawan hindi lamang ng lalawigan ng Marinduque bagkus ay sa buong Southern Tagalog Region.
“Napaka-swerte ko po sapagkat isa po ako sa napili para maging kinatawan ng ating lalawigan at ng buong Timog Katagalugan na binubuo ng mga Rehiyong Calabarzon at Mimaropa sa nalalapit na Aliwan Fiesta Digital Queen 2020”, ani Loslos.
Ang Aliwan ay isang pamosong patimpalak sa bansa na sinimulan noong 2003 ng Manila Broadcasting Company (MBC) at tinaguriang “The Philippines Grandest Fiesta”.
Ang virtual coronation night ay nakatakdang isagawa sa darating na Setyembre 2020. – Marinduquenews.com