BOAC, Marinduque – Para sa kaalaman ng lahat, ang ‘Paruparong Bakla’ ay totoo at hindi kathang-isip lamang. Ito ang tawag ng mga lokal na nagpaparami ng paruparo dito sa isla ng Marinduque.
Sa Ingles, ang tawag dito ay ‘Aberrant’. Ang aberrant o paruparong bakla ay iyong uri ng Bila-Bila – lokal na katawagan ng Marinduqueno sa paruparo, ay may kakaiba o bukod tanging kombinasyon ng kulay na ‘di pangkaraniwan sa isang grupo o species ng mga paruparo.
Dahilan sa kanilang namumukod tanging kombinasyon ng mga kulay, ito ay pinag-aagawan ng mga nangungolekta ng paruparo o butterfly collectors sa buong mundo sa napakataas na halaga.
Sa isang Brittish Butterflies-Aberrant Forms, ipinaliwanag dito ang kahulugan ng uri ng paruparong ito. Base sa pagkakalathala na nasusulat sa wikang Ingles, “Aberration is a variation in the wing pattern of a butterfly species which is different in some way to the normal pattern. This can occur as a genetic or environmentally induced variation of the usual form of the species. Aberrations are generally very rare. Some recur on a fairly regular basis and as a result, many have been specifically named.”
Bagaman at bihira lamang na lumabas ang ‘aberrant’ o paruparong bakla, ito ay itinuturing ng mga ‘butterfly breeders’ na biyaya ng Maykapal dahil sa ginhawang dulot nito sa kanilang kabuhayan.
Kung kaya’t mataas ang pagpapahalaga ng mga ‘butterfly breeders’ sa isla ng Marinduque na ingatan ang industriyang ito sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang mga ‘production areas’.
Patuloy ang kanilang pagtatanim ng mga halaman at punong pagkain, gapangan, itlugan at tirahan ng mga paruparo.
At lagi silang umaasa na sa bawat pag-ani nila ng kanilang pinaparaming bila-bila ay may lumabas na paruparong bakla.
Kung nais ninyong makakita ng paruparong bakla, halina at bisitahin ang magandang islang lalawigan ng Marinduque na hindi lamang tanyag sa taunang Moriones Lenten Rites at magagandang lugar na pasyalan gayundin, maging sa kakaibang uri na nilalang ng Poong Maykapal, Paruparong Bakla katawagan ng mga lokal.
This story was written by Dr. Josue M. Victoria, a provincial veterinarian in the island of Marinduque. |