Sa Facebook account ni Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco ay ipinahayag nito noong Hunyo 22 ang mga konkretong pagkilos na ginagawa ng kanyang opisina upang tuluyan ng masolusyunan ang problema ng kuryente sa probinsya.
Narito ang kabuuan ng kanyang pahayag.
“Noong nakaraang ika-13 ng Hunyo, nagtungo po ang inyong kinatawan sa National Power Corporation (Napocor) upang ilapit ang suliranin sa kuryente ng ating lalawigan. Malugod ko pong ibinabalita sa ating mga mahal na Marinduqueno na tayo ay agarang pinakinggan at pinagbigyan ng Napocor. Tinitiyak ni Napocor President Pio Benavidez ang suportang ihahatid nila sa ating lalawigan at ito ay ang mga sumusunod:
1) Upang hindi “numipis” ang daloy ng kuryente na nagmumula sa genset sa Boac, maglalagay ng isang 1.5 megawatt (mw) at isang 550 kilowatt (kw) na genset sa Torrijos ang Napocor upang lumakas ang boltahe ng kuryente sa Torrijos, Sta. Cruz at Buenavista;
2) Papalitan nila ang lumang 4mw na genset sa Boac ng limang bagong 1mw na mga genset sa Septyembre 2017 at magdadag pa ng apat na 1mw na mga genset pagsapit ng 2018, upang masiguradong may sapat na supply ng kuryente para sa pangangailangan ng mga kabahayan, mga tanggapan, paaralan at negosyo sa Marinduque;
Read also: Marelco, perwisyong todo-todo
3) Aayusin din ang 69KV na linya ng kuryenteng tatakbo mula Boac hanggang Torrijos upang maging malakas ang daloy ng kuryente at maiwasan ang paiba-ibang boltahe na nakasisira sa ating mga kasangkapan.
4) Nangako din ang Napocor na kanilang palalawigin ang serbisyo ng kuryente para sa mga isla ng Maniwaya, Polo at Mongpong mula 8 oras hanggang 16 na oras pagsapit ng 2018.
5) Dagdag nito ay sinusubaybayan ng inyong lingkod ang mga hakbang na ginagawa ng Marelco upang maresolba ang tuluyang brownout. At napasyahan nga nila na isa-isahing inspeksyunin ang bawat poste sa buong probinsya na kung hindi ako nagkakamali, along sa national highway natin ay nasa 1200 na hindi pa kasama ang mga interior. Ginagawa na din po nila na putulin ang mga sanga ng mga puno na malapit sa mga linya.
Kukunin ko na po itong pagkakataon para makiusap sa mga kinauukulang mga may-ari ng mga lupang ito para payagan ang Marelco na linisin ang paligid na malapit sa mga linya. Sinusuportahan ko po ang hakbangin na ginagawa nila at nawa ay suportahan n’yo din po kung tuluyan na gusto nating matapos ang problema sa brownout.
Read also: Marelco issues official statement on intermittent power interruption
Asahan po ninyong patuloy ang inyong kinatawan na nakikipag-ugnayan sa kaukulang mga tanggapan upang maihatid ang nararapat na serbisyo para sa ating mahal na lalawigan ng Marinduque.
Sana po ay magkaisa tayo at tigilan na ang bangayan para sa ikauunlad ng probinsya! Maraming salamat po.”
Photo courtesy of Lord Allan Velasco Facebook Page