BOAC, Marinduque – Inilatag ng bawat ahensya ng pamahalaan ng Marinduqe sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang kanilang mga panukalang programa na naaayon sa Peace and Order and Public Safety Plan (POPS Plan) para sa taong 2017.
Sa presentasyon na ipinakita ni Police Superintendent Jose R. Salazar, nakapaloob sa kanilang Three-Year POPS Plan ang mga strategy, expected output at funding requirement kaugnay ng POPS challenges and issues.
Sa proposal na tinalakay ni Salazar para sa mga programa ng Peace and Order na aabot hanggang taong 2019, nasa Php 10.2 milyon ang pondo na kailangan para sa pagsugpo ng Theft and Robbery, Rape (R.A. 8353), Physical Injury, Violence Against Women and Children (R.A. 9262), Child Abuse (R.A. 7610), Illegal Drugs (R.A. 9165) at Internal Security Operations (ISO) .
Para naman sa Public Safety, tinatayang papalo sa mahigit na Php 3.5 milyon ang budget na kailangang ilaan upang maigting na maipatupad ang mga programang katulad ng Road and Vehicle Safety, Emergency Crisis Management and Fire Safety at Search and Rescue Retrieval Operations.
Bilang matinding pagsuporta sa pagsugpo sa talamak na paggamit ng ipinagbabawal na droga sa ating bansa, tututukan din ng DILG at Marinduque PNP ang pagpapalawig ng kanilang programa na Anti-Drug Abuse Campaign (ADCA) at pagsasagawa ng Oplan Taphang (Oplan Double Barrel) kung saan ang mga PNP Officers ay personal na bibisita sa mga indibidwal o grupo na nagtutulak at gumagamit ng droga upang himukin ang mga ito na itigil ang iligal na gawain at kusang sumuko sa mga awtoridad.
Handa namang makipagtulungan sa operasyong ito ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at nangakong makikiisa sa pamamagitan ng pagpapatayo ng Special Drug Education Center at pagsasagawa ng Rehabilitation Programs para sa mga drug user.
Ang diyalogong ito ay pinangunahan ni Vice Governor Jun Bacorro kasama si Provincial Administrator Baron Lagran at iba pang kawani ng gobyerno sa Old Session Hall, Provincial Capitol, Boac.