BOAC, Marinduque – Kasabay ng pagdiriwang ng ika-33 taong anibersaryo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at selebrasyon ng World Environment Month, nakiisa ang Marinduque Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa pamamagitan ng muling pagtatanim ng punlang kawayan sa Boac river bank, Barangay Tabi, Boac kamakailan.
Ang gawain ay pinangunahan ni PENR Officer Imee Diaz kasama ang ilang mga kawani ng ahensya.
Ayon kay Diaz, layunin ng programa na ipagtuloy ang pagtatanim ng punlang kawayan sa nasabing lugar na sinimulan nilang gawin noong 2017.
“Ang Boac river bank sa Barangay Tabi ay tinatawag nating National Greening Program (NGP) site. Isinagawa natin ang muling pagtatanim ng kawayan sapagkat ‘yong mga itinanim natin noong nakaraang taon ay nasira ng Bagyong Tisoy,” pahayag ni Diaz.
Umabot sa 50 punlang kawayan ang naitanim ng PENRO sa NGP site na may tatlong ektarya ang laki.
Ang pagtatanim ng kawayan sa mga river banks ay bahagi rin ng kanilang programang proteksyonan at pangalagaan ang kalikasan upang makatulong sa pag-iwas ng pagguho ng lupa at pagkasira ng Ozone layer.
Dagdag ni Diaz, ang kawayan ay napakaraming gamit o benepisyo kaya hinihikayat ng PENRO ang mga mamamayan na magtanim nito. – Marinduquenews.com