“Malapit na naman po ang pasukan at tag-ulan, kaya ako po ay lubos na nababahala sa kasalukuyang sitwasyon ng nakabinbin na proyektong tulay sa aming lugar. Kami po ay hirap na hirap na, sana po ay maaksyunan ito ng mga kinauukulan”.
Ito ang pahayag ng isang residente sa barangay Tigwi, Torrijos, Marinduque matapos maranasan ang kalbaryong dulot ng pinabayaang tulay sa kanilang lugar.
Kitang-kita sa video na kuha nitong umaga ng Mayo 26 ang pagtawid ng mga residente sa rumaragasang tubig na maaaring magdulot ng peligro sa kanilang buhay at kalusugan.
Kaya’t nananawagan ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga magulang sa mga kinauukulan na bigyang pansin at agad na aksyonan ang suliraning kanilang nararanasan sa ngayon. Takot at pangamba ang kanilang nararamdaman para sa kanilang mga anak na magsisipag-aral kung ang daan papuntang paaralan ay wala sa kaayusan.
Ang Marinduque News Network ay bukas para sa anumang pahayag mula sa mga kinauukulan hinggil sa nasabing proyekto.