BOAC, Marinduque – Kinumpiska ng Provincial Veterinary Office-ASF Task Force ang ilang processed meat na nakitang naka-display sa isang tindahan sa bayan ng Boac nitong Miyerkules, Enero 8.
Ito ay bunsod ng sumbong na natanggap ng nasabing ahensya mula sa ilang concerned citizens.
Ang tinutukoy na processed meat ay ang produkto na pork ham.
Ayon kay Dr. Josue Victoria, Marinduque provincial veterinarian, naging mahinahon at mapayapa naman ang isinagawang operasyon.
“Sinabi ng mga bantay sa store na ipinakilagay lamang for personal consumption ang aming mga nakumpiskang produkto na mahigpit na ipinagbabawal sa Marinduque upang maiiwas sa bantang panganib ng ASF ang populasyon ng baboy sa ating isla”, pahayag ni Dr. Josue.
Dagdag pa ng panlalawigang beterenaryo, “Sinasabi sa mga siyentipikong pag-aaral na kayang mabuhay ng African Swine Fever (ASF) virus sa mga processed ham nang humigit kumulang sa 180 days at maaari itong makahawa sa mga baboy kasama ng sagmaw o kaning-baboy”.
Matatandaang kamakailan ay nag positibo sa ASF test ang karne ng baboy na nakumpiksa sa chiller ng isang kilalang supermarket sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring umiiral sa buong Marinduque ang ‘total ban’ o mahigpit na pagbabawal sa pagpasok ng mga processed pork products sa lalawigan mula sa Mainland Luzon. – Marinduquenews.com