MANDALUYONG CITY, Metro Manila – Muling ibinida ng probinsya ng Marinduque ang mga natatanging produkto, kultura at atraksyon nito sa SM Mega Mall, Mandaluyong City sa katatapos lamang na Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) Naturally Agri-Trade and Tourism Fair 2017.
Tampok sa exhibit ang mga pagkaing Marinduqueno gaya ng arrowroot cookies, dilis, pastillas, kalamay-hati (coco jam) at mga souvenir shirts na may tatak Marinduque. Bukod pa rito ay ibinida rin ng provincial tourism office (PTO) ang mga atraksyon at magagandang tanawin na makikita sa lalawigan tulad ng Immaculate Conception Cathedral ng Boac, Paadjao Falls, Bathala Cave, Natangco Island, Palad Sandbar at mga okasyon at festival ng Marinduque gaya ng Moriones at Bila-Bila Festivals. Naipagmalaki rin ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque ang mga fashion accessories, home décors at mga produktong pangkalusugan na gawa sa lalawigan.
Nagkaroon naman ng pagkakataon na maisama ng lokal na pamahalaan ang Pangkat Kalutang na pinamumunuan ni Maestro Tirso Serdena na nagmula sa bayan ng Gasan upang magtanghal para sa cultural presentation na sinalihan din ng iba pang kasaping probinsya sa rehiyon.
Ang Mimaropa Naturally Regional Trade Fair ay naglalayong maging isang taunang socio-cultural na pangyayari kung saan itinatampok ang mga maipagmamalaki ng rehiyon. Bukod pa rito ay sinisikap din ng Mimaropa na palakasin ang micro-small-medium enterprises (MSMEs) upang mas dayuhin pa lalo ito ng mga nagnanais na mamuhunan.
Ang proyektong ito ay ginawang posible sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap mula sa DTI-Mimaropa, Department of Agriculture-Mimaropa, Department of Tourism-Mimaropa at ng mga lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, lungsod ng Calapan at lungsod ng Puerto Princesa.