Naging matagumpay at makabuluhan ang isinagawang dalawang araw na workshop na inorganisa ng Project Alagalaan sa pangunguna ni Romina Lim na may layuning palakasin ang “sustainable tourism” sa bansa.
Ang workshop na dinaluhan ng mga travel enthusiasts at bloggers ay isinagawa nitong Mayo 13-14 sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Embassy of the United States in Manila (US Embassy) at Save Philippine Seas (SPS).
Sa unang araw ng workshop ay tinalakay ang kahalagahan ng ecotourism, biodiversity at marine ecosystem ng bansa. Ito ay isinagawa sa Hive Hotel, lungsod ng Quezon.
Ang mga nagbigay ng panayam sa unang bahagi ay sina Warner Andrada – chief operation officer ng Department of Tourism, Dr. Arvin Diesmos – herpetologist mula sa National Museum of the Philippines, Dr. Arnel Yaptinchay – founder at director ng Marine WildlifeWatch of the Philippines, Desiree Eve Maano – officer in charge ng DENR-Coastal and Marine Ecosystems Management Section, Lito de Veterbo – founder ng Mister Leave No Trace Philippines kasama si Jesse Sales, Anna Oposa – chief mermaid ng Save Philippine Seas at Mundita Lim – director ng DENR Biodiversity Management Bureau.
“The actions of a single person lead to a cascade of impacts because we are all interconnected”, bahagi ng pananalita ni Maano.
Sa ikalawang araw naman ng workshop na idinaos sa Dive & Trek Resort and Marine Sanctuary sa bayan ng Bauan, Batangas ay tinalakay ang travel photography at travel writing kung saan nagbigay ng mga makabuluhang paliwanag, tips at iba pang impormasyon at sumagot sa mga tanong ng mga kalahok sina Anna Varona – photographer at responsible tourism advocate at Yoske Dimen – kilalang travel blogger at founder ng The Poor Traveler.
Ayon kay Varona, “Know how to use your equipment, don’t just buy stuff and expect to go on program and then just click away. Get to the possibilities because when you know the possibilities, then you can exploit it for yourself.”
Bahagi ng workshop ang aktwal na iparanas at makita sa mga kalahok ang mga natutunan nila sa dalawang araw na gawain kaya naman matapos mananghalian ay sumabak ang grupo sa trekking at snorkeling.
“Before the actual event, most question from us was that “Why me?” or why out of more than 300 applicants, why we were chosen as part of the 20 participants. And I guess that common questions were answered on the event itself. We all have the common goal and it is to protect and preserve our environment, we all have the voice that we can use to share and inspire others and we have our own platform that we can utilize to educate and influence other people”, madamdaming pahayag ni Robin Salvador, isa sa mga kalahok ng Project Alagalaan.
Samantala, sorpresa namang dumating ang aktres na si Antoinette Taus upang bigyang inspirasyon ang mga kalahok para mas lalo pa nilang itaguyod ang wastong pag-iingat sa kalikasan. Si Taus ay nagsusulong rin ng mga programa tungkol sa pangangalaga ng likas na yaman ng Pilipinas.
Natapos ang seminar sa pamamagitan ng pagawad ng mga Certificate of Participation sa mga dumalo.
Kasama sa 20 kalahok ang founder at editor in chief ng Marinduque News Network.