BOAC, Marinduque – Pormal nang binuksan ni Dr. Carlito Matibag, Schools Division Superintendent ng Department of Education-Marinduque ang Palarong Panlalawigan 2017 sa Marinduque Expo Site, San Miguel, Boac, Marinduque.
Sa pagsisimula ng patimpalak ay nagbigay si Matibag ng pampasiglang pananalita para sa 2,049 na mga atleta mula sa anim na bayan ng lalawigan.
“Ang tunay na gintong medalya ay yari sa pawis, dugo, determinasyon at kagustuhang manalo. At ngayon sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng Kagawarang ng Edukasyon, pormal kong binubuksan ang Palarong Panlalawigan 2017.”
Pinasimulan ang gawain sa pamamagitan ng parada ng mga manlalaro kasama ang kanilang mga tagapagsanay sa poblacion ng bayan ng Boac.
Malugod namang tinanggap ni Konsehal Rolly Larracas sa katauhan ni Mayor Roberto M. Madla ang lahat ng delegado na nakilahok sa kompetisyong pampalakasan.
Ilan pang opisyal ng lokal na pamahalaan na dumalo rito ay sina Gob. Carmencita Reyes, Bise-Gobernador Romulo Bacorro, Jojo Alvarez na kinatawan ni Cong. Lord Allan Velasco, mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan at Sangguniang Bayan ng Boac.
Ang mga itinanghal na kampeon sa bawat laro ay ipadadala sa San Jose, Occidental Mindoro sa Pebrero 2018 para sa Palarong Pangrehiyon.