MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kasong murder at mga reklamong administratibo ang pulis na nakapatay sa isang magsasaka sa Buenavista, Marinduque.
Sa statement, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na isinailalim na sa pre-charge investigation si Police Col. Jay Anthony Custodio dahil sa alegasyong pagpatay kay Alberto delos Reyes sa isang anti-illegal logging operation noong Hulyo 13.
Ayon sa pamilya ng biktima, nasaksihan mismo ng anak ni Delos Reyes ang insidente.
BASAHIN: Lalaki patay matapos barilin ng pulis sa anti-illegal logging op sa Buenavista
Nagsampa na ng kasong administratibo ang pamilya ng biktima habang nagsampa rin sila ng kaparehong reklamo kay dating Buenavista Municipal Police Station officer-in-charge Police Lt. Marson Lontoc.
“A thorough investigation is still being conducted to determine the extent of the administrative liability of the accused police officer,” pahayag ni Eleazar.
Una rito, sinabi ni Custodio na binaril niya si Delos Reyes bilang self-defense.
Nasibak na rin sa kanyang posisyon ang suspek na kasalukuyang nasa restrictive custody ng Marinduque Provincial Police Office habang nakabinbin ang imbestigasyon sa nangyari.- Marinduquenews.com
This story was first published on Remate: Pulis na pumatay sa magsasaka sa Marinduque, kinasuhan na