Eleksyon na naman. Nagsulputan na naman sa sowsyal midya ang iba’t ibang mukha ng mga taong nag-a-ambisyon sa Eleksyon 2016.
Hindi na ako lalayo pa, tututukan ko na lamang ang mga kaganapan sa aking mahal na lalawigan, ang hugis pusong isla.
Sa kasalukuyan, may dalawang kumakandidato bilang kongresista sa aming probinsya. Natatandaan ko, sila rin ang nagtunggali noong nakaraang halalan na humantong at umabot pa nga sa paglilitis ng Korte Suprema. Subalit wala din namang kinahantungan ang kasong isinampa kahit na ito ay kinatigan ng SC at ng Comelec pa. Kaya naman itong darating na boxing este eleksyon (may second round kasi) ay talaga namang kaabang-abang. Sa Facebook ngani ay nagsimula ng maglabasan ang iba’t ibang opinyon at mensahe ng mga taong hahangad sa iba’t ibang posisyon. Dati, ang iba na tahimik at hindi mahilig magpost ng mga issue na may kinalaman sa lalawigan, aba matindi, ngayon maya’t maya ang labas ng mga messages at pictures sa newsfeed. May ilan pa nganing sumasagot sa lahat ng mga comments sa kanilang mga wall at isa-isa itong nila-like. Samantalang noong hindi pa sila nagpa-file ng candidacy, kesehodang magmessage ka sa kanila ng sampung ulit aba’y seen zone ang iyong mahihita at ang masaklap pa, who you ka sa kanila. Ngayon, tila ba kasimbilis sila ni Lando kung magpalit ng post status, mula bagyo naging lindol. (Ingat po kayo mga kababayan lalo pa at malapit sa atin ang Mindoro na siyang tinamaan ng katatapos lamang na lindol).
Pero babalik ako sa tatlong matataas na lokal na posisyon, Congressman, Governor at Vice Governor.
Para sa Kongreso: Lord Allan Q. Velasco vs Regina O. Reyes
Parehong abogado. Parehong anak ng mga nanay at tatay nila I mean parehonang anak ng mga nanay at tatay nila na may mataas na katungkulan sa gobyerno. Ang mga magulang ay parehong nanungkulan at nanunungkulan sa kongreso. Parehong hindi nagtapos sa isa sa mga paaralan sa Marinduque (elementary, secondary o tertiary man). Parehong lumaki sa Manila at naging madalas na lamang sa Marinduque noong may mga personal na hangarin na sila. Parehong naglingkod at naglilingkod sa Lone District ng Marinduque. Parehong may karanasan sa kongreso. Pareho na may ambisyon para sa lalawigan pero ang tanong nagampanan o ginagampanan ba nila ng maayos at sinsero ang mga tungkuling iniatang sa kanila o sadyang pareho lamang ang kulay nila?
Gusto Sana: Ang gusto kong iboto ay iyong dine sa Marinduque nakatira, dine nagtapos ng elementarya o sekondarya, plus factor na kung sa MSC, Midwest, ESTI o SCI nag-aral ng kolehiyo kasi siguradong sigurado ako at alam na alam nito kung paano kumain ng balinghoy, kung gaano kahirap kumuha ng ambulansya para dalhin si nanay o si tatay, si lolo o si lola, si ate o si kuya, si tiyo o si tiya sa Lucena o Manila para doon ipagamot sapagkat walang sapat na kagamitan ang mga ospital sa ating lalawigan o kung mayroon man walang eksperto sa paggamit nito. Marahil ay alam na alam niya sana kung saan nandoon ang mga naghihirap na mangingisda at magbubukid. Marahil ay alam na alam niya sana kung ano ang mga dapat bigyan ng importansya, kung anong proyekto ang dapat bigyan ng halaga. Marinduqueno kayo na po ang humusga.
Many Faces of Poverty in the Province of Marinduque
Pahabol: Sa report na ito hindi maitatago ang iba’t ibang mukha ng kahirapan sa Marinduque ayon sa pep-net.org.