BOAC, Marinduque – Sa kabila ng mga kumakalat na balita sa social media tungkol sa ‘LeniLeaks’, itinanggi mismo ni Vice President Leni Robredo sa isang press conference na isinagawa sa Marinduque ang pagkakadawit ng kanyang pangalan hinggil sa alegasyong ito.
Nagtungo si Robredo sa Marinduque ngayong araw, Enero 9 upang bisitahin ang mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Nina.
Tanong ng bise presidente sa mga nanggugulo sa kanya, kung sakaling sikreto umano ang pinag-uusapan na patalsikin sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte at ipabasura ang pending electoral protest ni dating senador Bongbong Marcos laban sa kanya, bakit raw nakapubliko ang grupong ito?
“Hindi pa po klaro sa akin kung ano iyon. Since Tuesday ay nagsisimula na akong maglibot sa mga nasalanta ng bagyo, bukas pa lang ako mag-oopisina. Name-mention daw ang pangalan ko, pero hindi ako kabahagi ng grupong iyon. Meron din daw na mga emails na nagsi-circulate, hindi rin po ako kabahagi noon”, sabi ng bise presidente.
Buwelta ni Robredo, hindi na raw ito ikinagulat ng kanyang partido dahil sa kanyang pagiging pangalawang pangulo ng bansa.
“Meron tayong mga supporters na karamihan ay nag-re-react sa ginagawang pambibiktima sa atin. Tayo ang nasa receiving end na may napakaraming fake na news, napakaraming hindi tama na mga kwento”, dagdag pa niya.
Sa gitna ng kontrobersiyang kinakaharap nito, mas nanaiisin pa umano ni Robredo na pagtuunan ng pansin ang kaniyang trabaho sa kabila ng kaliwa’t kanang paninira sa kanya.
“As much as possible, mas gusto kong mag-concentrate sa trabaho kasi ‘yong tingin ko lang, ang daming viciousness ngayon sa internet. Meron kaming mandato na kailangang gampanan na kung magpapadala kami sa kasamaan na nangyayari sa online, paano namin magagampanan iyong aming mandato?”
Nilinaw rin ni Robredo na matagal na niyang nakausap si Loida Nicolas-Lewis na isa sa mga sumuporta sa kanya noong kumandito siyang kinatawan ng Camarines Sur. Isa si Lewis sa mga nadadawit sa isyu ng pagpapatalsik sa pangulo.
“After po ng eleksyon, hindi ko na maalala na nagkaroon ng pagkakataon na mag-meet kami. Sinasabi po na nag-meet kami sa Amerika, hindi po iyon totoo. Ni personal meeting, ni tawag sa telepono, hindi po kami nagtawagan. Kaya ‘yong mga kumakalat na balita eh hindi totoo.”
Ikinalungkot din ni Robredo ang naging pahayag ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nanatili siya sa tahanan ni Lewis sa Amerika. Matatandaan na nitong nakaraang pasko ay nagtungo si Robredo sa Estados Unidos upang magbakasyon.
“Kung totoo po na sinabi iyan ng ating DOJ Secretary, pati ba naman siya kabahagi na ng pagsisinungaling?, pagtatapos ng bise presidente.
Hiling naman ni Robredo na sana ay tigilan na ang pagpapakalat ng kasinungalingan laban sa kanya.