BOAC, Marinduque — Nais ng Department of Health (DOH)-Center for Health Development (CHD)-Mimaropa na mayroon ng sapat at ligtas na suplay ng dugo sa probinsya ng Marinduque sa anumang oras na kailanganin ng isang pasyente o mamamayan.
Sa tulong ng mga eksperto at opisyal mula sa Philippine Blood Center, DOH-CHD Mimaropa, Provincial Department of Health Office at Provincial Health Office, isinagawa kamakailan ang monitoring activity para sa itinatayong blood bank sa Marinduque Provincial Hospital.
Sa ilalim ng Health Facility Development Unit-Regional Voluntary Blood Service Program (HFSDU-RVBSP), layon ng ahensya na matiyak ang kalidad ng serbisyong medikal gayundin ang tuluy-tuloy na pagpapabuti ng blood service network sa Marinduque.
Ang resulta ng monitoring activity ay gagamitin para sa pagbuo ng health facility development plan na magiging gabay sa pagpapabuti at pagpapahusay ng mga programang pangkalusugan.
Isinusulong din ng gawain na matukoy ang mga kasalukuyang kasanayan kung ito ay naaayon sa pamantayan ng DOH ng sa gayon ay mabigyan ng teknikal na tulong ang mga blood service facility sa probinsya.
Samantala, ang monitoring acivity ay pinangunahan nina Dr. Maria Conception Isberto at Medical Technologist Diosa Caringal ng Philippine Blood Center, Giomar Candelosa at Peejay Gonzales ng DOH-CHD Mimaropa. — Marinduquenews.com