BOAC, Marinduque, Enero 1 – Binisita ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development ang lalawigan matapos manalasa dito ang bagyong Nina.
Kasama ni Sec. Judy Taguiwalo ang kaniyang mga kawani at ang Office of Civil Defence-Mimaropa noong Disyembre 30.
Sa kanyang pagdalo sa pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council sa Session Hall, Provincial Capitol kasama ang mga coordinator ng bawat Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng anim na bayan ng lalawigan, nalaman ng kalihim ang mga pangunahing pangangailangan ng 52,000 apektadong pamilya na tinatayang binubuo ng 234, 521 indibidwal.
Ayon sa iniulat ni G. Rolando Josue ng PDRRMO sa kalihim, ang mga pangunahin pa ring pangangailangan ng buong lalawigan ay ang additional relief goods (food and non-food), malinis na tubig lalo na sa mga nasa pagamutan, personal hygiene kits, damit at beddings na kung saan ang Marinduque ang itinuturing na pinakamatinding hinagupit ng Bagyong Nina sa buong rehiyon ng Mimaropa na sinundan ng Rehiyon ng Albay. Bukod pa rito ay inilapit din ni Josue ang hiling ng pamahalaang panlalawigan na shelter assistance, emergency employment program at livelihood program para sa mga nasiraan at nawalan ng kabuhayan.
Sagot naman ni Taguiwalo, ang lahat nang naiulat lalo na ang mga pagkain at pangunahing kagamitang kailangang matugunan para sa mga mamamayang Marinduqueño na naging biktima ng nagdaang bagyo ay kanyang ipapaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte maging sa kanyang mga kasamahan sa kabinete. Nangako rin ang pamunuan ng ahensya na tututukan nila ang pag-ayuda sa sector ng agrikultura, hospital, pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada, pagpapabalik ng daloy ng kuryente sa buong lalawigan at pagkumpuni ng mga nasirang silid-aralan na gagamitin na sa isang linggo sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral.
Laking pasasalamat naman ng kalihim ng DSWD sa mga facebook users dahil sa patuloy na pagkalampag at pagkatok ng mga ito sa social media upang direktang maiparating sa ahensya ang atensyong kinakailangan ng probinsya. Ngunit pahayag din niya sa mga nagsasabing walang tulong na ipinapaabot ang pamahalaan, mayroon namang pang-ayuda na nakahanda para sa sa mga nabiktima na idinadaan sa tamang proseso lalo na ang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Ang malalayong bayan tulad ng Torrijos maging ang bayan ng Santa Cruz ay nakapagpamahagi na rin ng mga relief goods sa mga itinuturing na hard-to-reach areas gaya ng mga isla ng Mongpong, Maniwaya at Polo matapos ang dalawang araw na clearing operations sa mga kalsada na naging impassable pagkalipas ng bagyo. Ayon sa MDRRMC Coordinators ng Santa Cruz at Boac ay nakapagbigay na rin sila ng mga rice packs sa mga interior barangay bago pa pumasok si Nina sa kalupaan.
Sa pagdating din naman nina Sec. Taguiwalo ay kasama rin nila ang mga genset generators na makakatulong para sa mga opisina na hindi pa napapadaluyan muli ng supply ng kuryente. Sa pahayag naman ni Engr. Gaudencio Sol, General Manager ng Marinduque Electric Cooperative (MARELCO), susubukan nila na makakapagpailaw na sila sa mga bayan ng Boac, Gasan at Mogpog bago pa sumapit ang bagong taon.
Bukod pa rito ay nagpadala na rin ng mga sako ng bigas ang lalawigan ng Isabela upang magpaabot ng kanilang pagtulong at suporta sa mga naging biktima ni Bagyong Nina.