BUENAVISTA, Marinduque – Sa huling pagbisita ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa lalawigan, ibinahagi nito ang pakikipag-usap sa pamahalaang panlalawigan at kay Rep. Lord Allan Jay Velasco para sa plano nitong pagpapatayo ng Malasakit Center sa Marinduque.
“Nag-usap kami ni Congressman (Velasco). Magkakaroon po kayo ng Malasakit Center dito sa Marinduque,” sabi ni Go.
Sa pagkakaroon ng Malasakit Center, mapabibilis ang pagbibigay tulong sa mga mamamayang mahihirap na nangangailangan ng pinansyal at medikal.
“Ubos panahon ninyo, ubos din pamasahe ninyo sa kapipila. Alam po ninyo, kawawa ‘yung Pilipino. Minsan po, sa hangarin pong humaba lang ang kanilang buhay, pipila ng madaling araw para humingi ng tulong. Sa totoo lang, pera nila iyan, kanila iyan. Ibinabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyong pang-medikal,” pangwakas na pahayag ni Go.
Bumisita ang senador sa Marinduque kamakailan upang personal na saksihan ang pamamahagi ng ‘calamity assistance’ at ‘groceries’ sa mga naging biktima ng nagdaang Bagyong Tisoy.
Sa kanyang mensahe ay sinabi ng senador na patuloy itong mag-iikot sa buong Pilipinas lalong lalo na sa mga malalayong probinsya kagaya ng Marinduque upang personal nitong marinig ang hinaing ng mga Pilipino at ng sa gayon ay agad n’ya itong mabigyan ng solusyon.
Ayon sa senador, naiintidihan nito na malayo ang opisina niya sa senado, at mahihirapan ang mga taga-Marinduque na makapunta sa kanyang tanggapan kapag sila ay dudulog ng tulong.
“Kaya ako na ang lalapit sa inyo. Parte po ito ng trabaho ko bilang Senador. Huwag po kayong mahihiyang lumapit sa amin. Trabaho po namin ‘yan”, ayon kay Go. (RAMJR/PIA-Mimaropa)