Skimboarding, nauusong ‘water sports activity’ sa Poctoy White Beach

TORRIJOS, Marinduque – Isa sa atraksyon at nauusong water sports activity ngayong summer sa Poctoy White Beach, Torrijos ay ang skimboarding.

Ang skimboarding o skimming ay isang ‘boardsport’ kung saan ang ginagamit na skimboard ay natutulad sa surfboard.

Ang board na ginagamit sa skimboarding

Mula sa pampang habang hawak ang skimboard ay mabilis na tatakbo ang rider patungo sa tubig. Ilalatag ng rider ang skimboard upang sumakay dito. Kailangang salubungin nito ang parating na hampas ng alon upang makagawa ng iba’t ibang tricks o ‘air manuevers’. Ang ilan sa mga ito ay kilala bilang wraps, big spins, 360 shove-its, at 180s.

Isa sa ‘air maneuvers’ ng larong skimboarding

Hindi tulad ng surfing, ang skimboarding ay nagsisimula sa baybayin ng dalampasigan sa pamamagitan ng pagsakay sa board papunta sa hampas ng alon. Ginagamit ng mga skimboarder ang kanilang ‘momentum’ upang mapabilis ang pagbagsak sa hampas ng alon, at muling babalik sa baybayin sa paraang katulad ng surfing.

Sa panayam ng Marinduque News kay Jasper Jo Loberes, presidente ng Marinduque Skimboarding Club, layunin ng kanilang grupo na hikayatin ang mga kabataang Marinduqueno na maglaro ng skimboarding kasabay ang pagtuturo sa pangangalaga ng kalikasan lalo na ng dalampasigan at karagatan sapagkat ito ang kanilang itinuturing na palaruan.

Si Jasper habang masayang naglalaro ng skimboarding

“Hangad po ng Marinduque Skimboarding Club na maturuan ng skimboarding ang mga kabataan dito sa atin. Tinuturuan din po namin sila na maglinis ng paligid lalo na ng dagat kasi ito po ang aming playground.”

“Ang kagandahan po ng larong ito ay ‘we play with nature’, natututo ang riders na magconserve, magshare ng kaalaman sa kanilang mga kalaro at sa mga interesadong matuto ng larong ito. Kumbaga po, maglaro tayo sa dagat and let the board slide with us”, pahayag ni Loberes.

Ang rider habang nagsasanay ng iba’t ibang tricks o air maneuvers.

Sa darating na Abril 20-21 ay magkakaroon ng Morion Do Skim III Competition na gaganapin sa Poctoy White Beach. Sa mga interesadong matuto ng skimboarding at sa mga nagnanais na sumali sa kompetisyon, makipag-ugnayan lamang sa mga numerong +63995-008-9204 at hanapin si Jaja. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!