BOAC, Marinduque — Pinalalakas at pinararami sa probinsya ng Marinduque ang produksyon ng souvenir items na gawa sa bila-bila — lokal na katawagan sa paru-paru.
Sa pamamamagitan ng Provincewide Reinvigoration of Economic Skills in Butterfly Industry and Livelihood Value-Addition (PRESBI LAV) Convergence Project ay isinagawa kamakailan sa Marl Insects and Butterfly Culture sa Brgy. Amoingon, Boac ang ‘product curation on butterfly souvenirs’.
Ang mga may-ari mismo ng Marl Insects and Butterfly Culture na sina Leodegario at Cheryl Layron ang tumayong tagapagturo sa nasabing pagsasanay kung saan ito ay dinaluhan ng nasa 10 mga kalahok.
“Layunin po ng proyektong ito na makapagbigay ng mga pagsasanay at training materials sa mga nag-aalaga ng bila-bila o iyong tinatawag na butterfly breeders o butterfly farmers dito sa ating lalawigan para makabuo sila ng mga souvenir product na gawa sa paru-paru,” pahayag ni Dr. Roniel Macatol, provincial director ng Department of Trade and Industry-Marinduque.
Ang PRESBI LAV Convergence Project na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kagaya ng Department of Labor and Employment, Department of Information and Communications Technology, Department of Science and Technology, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Environment and Natural Resources, Overseas Workers Welfare Administration katuwang ang pamahalaang panlalawigan ay may mithiing payabungin ang butterfly industry sa Marinduque.
Sa datus ng Department of Tourism, 70 porsiyento ng mga paru-paru na ibinebenta sa ibang bansa partikular sa mga bansa sa Europa ay nagmumula sa lalawigan ng Marinduque kung saan umaabot ang ‘exports value’ nito sa halagang P100 milyon. — Marinduquenews.com