BOAC, Marinduque – Isinailalim sa state of calamity ang apat na barangay sa bayan ng Boac sa lalawigan ng Marinduque dahil sa sunog na sumiklab sa lugar nitong Hulyo 2, 2018.
Ayon sa resolusyon na may titulong ‘Resolution Declaring Certain Portions of the Boac Poblacion Barangays Namely, Malusak, Mercado, Murallon and San Miguel Under the State of Calamity Brought About by the Fire Incident on July 2, 2018‘, na ipinasa sa ‘special session’ ng Sanguniang Bayan ng Boac ngayong umaga, Hulyo 5, ang kanilang pagdedeklara ng state of calamity sa barangay Malusak, Mercado, Murallon at San Miguel ay upang mas mapabilis ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga residenteng nasunugan.
Matatandaan na pasado alas-5:30 ng madaling araw noong Lunes nang makatanggap ng tawag ang Bureau of Fire Protection-Boac mula kay Frederic AliƱo Luci na nasusunog ang establisyemento sa pagitan ng St. Rose of Lima Pharma Clinic at Apostol Rice Mill sa barangay Murallon.
Sa laki at bilis ng apoy, nadamay ang ilan pang bloke na sakop ng apat na nabanggit na barangay.
Tinatayang aabot sa 25 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog samantalang labingpitong ‘business establishments’ ang natupok kabilang ang walong ancestral houses.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog at bandang alas-11:20 ng umaga nang idineklarang fire out ang lugar.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kung ano ang pinagmulan ng apoy. –Marinduquenews.com