BOAC, Marinduque — Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Boac dahil sa tumataas na kaso ng rabies. Ito ay base sa Sangguniang Bayan Resolution No. 2023-230 na nilagdaan ni Vice Mayor Mark Anthony Seño nitong Miyerkules, Oktubre 11.
Ayon sa ulat ng Provincial Veterinary Office, mayroong 14 na barangay ang nasa high-risk dahil nakapagtala ng kaso ng canine rabies na lubhang nakakaalarma dahil sa posibleng pagkalat nito.
Kabilang sa nasabing mga barangay ay ang Cawit, Laylay, Murallon, Santol, Mercado, Bantad, Isok 1, Isok 2, Tampus, Tabi, Poras, Balogo, Maligaya at Balagasan.
Bukod dito, may isa ng kumpirmadong patay dahil sa rabies dulot ng kagat ng aso.
Samantala, nagtalaga na ng iba’t ibang hakbang ang pamahalaang bayan upang makontrol ang pagkalat ng rabies sa pamamagitan ng paglalagay ng mas maraming impormasyon at kampanya ukol sa ‘rabies prevention and awareness’.
Sinimulan din ang libreng programa ng pagbabakuna para sa mga asong hindi pa nababakunahan kasabay ng paglalagay ng mga patakaran at regulasyon ukol sa pag-aalaga ng aso at iba pang hayop na posibleng pagmulan ng rabies.
“Mahalaga po ang inyong kooperasyon sa mga hakbanging ito. Ang inyong suporta at pakikiisa ay magliligtas ng buhay at magpapabuti sa kalusugan ng ating bayan. Hinihiling namin na tayo ay maging responsable at maingat sa ating mga alagang hayop upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat,” pahayag ni Mayor Armi Carrion.
Sa kasalukuyan ay bumuo na ng Anti-Rabies Task Force ang Boac LGU na tututok para agad masawata ang pagkalat ng sakit.
Patuloy ring pinaalalahanan ang publiko na huwag hayaang gumala ang mga alagang aso at kung makapansin ng rabid behavior o sintomas ng rabies sa mga aso ay agad itong ipaalam sa mga kawani ng barangay o direktang makipag-ugnayan sa Municipal Rabies Prevention and Eradication Task Force.
Kung sakali namang magkaroon ng insidente ng pangangagat ng aso o pusa, agad bigyan ng paunang lunas at magtungo sa Provincial Animal Bites Center upang mabakunahan ng Anti-Rabies Vaccine. — Marinduquenews.com