State of the Province Address ni Gov. Velasco, isinagawa

BOAC, Marinduque – Sa isinagawang kauna-unahang State of the Province Address (SOPA) ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. na ginanap sa Convention Center, Provincial Capitol Grounds kamakailan ay naging tampok ang mga programang nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na isang taon.

Ibinida ng gobernador ang mga proyektong pang-imprastraktura, trabaho, agrikultura at irigasyon, turismo, kalikasan at kalusugan lalo na ang mahalagang gampanin ng probinsya sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

“Nakita po natin kung paano nilumpo ng krisis na ito ang napakaraming lugar at industriya. Dahil sa hindi matatawarang pagsusumikap ng ating pamahalaang panlalawigan na labanan ang COVID-19, bilang lamang ang nagpositibo rito hindi kaparehas sa ibang probinsya. Namahagi po tayo ng mga pagkain, face masks, personal protective equipment, disinfectants, at iba pang pangangailangan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Velasco.

Inilahad rin ng panlalawigang punong ehekutibo ang mga plano na tutugon sa problema sa kuryente at elektrisidad ng probinsya.

“Patuloy po nating nararanasan ang kakulangan ng suplay ng kuryente sa ating lalawigan. Malaking sagabal ito sa pag-engganyo ng maraming mamumuhunan. Hindi tayo maaaring patuloy na magdusa sa kadiliman,” pahayag ng gobernador.

Aniya, nakatakdang i-endorso ng National Power Corporation (Napocor) ang 69KV facility sa Marinduque Electric Cooperative (Marelco) upang makapagbigay ng 4MW generator set sa 3rd quarter ng taong ito at karagdagang 5MW genset sa simula ng taong 2021.

Patuloy din aniyang pinag-aaralan na makapag-install ng submarine cable mula Marinduque patungong Catanauan, Quezon para ma-ikonekta ang probinsya sa Luzon electric grid.

Ibinalita rin ng gobernador ang mga plano sa ekonomiya ng probinsya tulad ng pagbubukas ng Marinduque Export Zone o MAREZ, at pagpapagawa ng International Port sa Balogo Pier, pagpapalawak ng Marinduque Airport at pangarap na pagpapatayo ng 23-km megawide bridge na magdurugtong sa Marinduque patungong Quezon province, na siyang magiging daan para mas dumami ang mamuhunan sa lalawigan at upang mapabilis ang pagbiyahe ng mga produkto, turista at biyahero.

Sa huli ay nagpasalamat si Gov. Velasco sa mga tumulong upang maisakatuparan ang mga pangarap ng pamahalaang panlalawigan at umapela ng suporta sa kanyang kapwa lingkod-bayan para maramdaman ng mga Marinduqueno ang pag-asenso ng probinsya na tinawag niyang Golden Era ng Marinduque. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized
error: Content is protected !!